ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Mar. 12, 2025

MGA DDS AT MGA MARCOS LOYALIST, NAGBANGAYAN NA SA SOCIAL MEDIA SA PAG-ARESTO KAY EX-P-DUTERTE. ANG BANGAYAN NILA UMABOT KAYA SA LANSANGAN, ‘MAGHALO NA KAYA ANG BALAT SA TINALUPAN?’ -- Inaresto na kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pamumuno ni Maj. Gen. Nicolas Torre si ex-P-Duterte at saka ito itinurn-over sa Interpol kaugnay sa kinakaharap na kasong crimes against humanity ng dating pangulo sa International Criminal Court (ICC).
Sa pangyayaring ito, natural na umuusok sa galit ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS), at sa kabilang banda ay masaya naman ang mga Marcos loyalist.
Kaya’t ang tanong, maghalo na kaya ang balat sa tinalupan sa pagitan ng mga DDS at Marcos loyalist sa mga darating na araw? Abangan!
XXX
AIRPORT SECURITY PERSONNEL AT PNP OFFICIALS WALANG RESPETO SA SENADOR -- Ang isa sa hindi magandang pangyayari na nasaksihan kahapon ng publiko ay ang kawalang respeto ng mga airport security personnel at mga opisyal ng PNP kay Sen. Bong Go.
Si Sen. Bong Go ay senador ng Pilipinas, na bagama’t dikit siya kay ex-P-Duterte ay madiplomasyang tao naman siya at tiyak hindi naman gagawa ng gulo.
Ang bad na nasaksihan ng publiko ay nagtungo si Sen. Bong Go sa NAIA, may kasama siyang isang doktor at ang nais lang naman ay makalapit ang senador kay ex-P-Duterte, kumustahin ang kalagayan at suriin ng doktor ang kalusugan ng dating pangulo, pero sa kabila na may pases naman sila para makapasok sa arrival area ng paliparan ay hindi sila pinapasok ng mga airport security personnel, at nang tanungin ni Sen. Bong Go saan dadalhin ang dating presidente para makasunod ay isa man sa mga police official walang sumasagot sa kanya, dinededma lang ang senador.
Ganyan kawalang respeto sa senador ang mga airport security personnel at mga police official sa panahon ng Marcos administration, tsk!
XXX
SABI NI HARRY ROQUE, WALA RAW WARRANT OF ARREST ANG ICC, PERO MERON PALA -- Sablay ang dunung-dunungan ni former Presidential spokesman Harry Roque.
Kamakalawa kasi ay nag-live sa social media si Roque na kesyo inalam daw niya sa ICC kung may red notice o warrant of arrest laban kay ex-P-Duterte, at nalaman daw niyang wala, ‘yun pala ay meron.
Dapat tigilan na ni Roque ang pagla-live-live video sa socmed para hindi siya napapahiya at sumasablay sa mga sinasabi niya sa publiko, period!
XXX
PANAHON NI EX-P-DUTERTE ANG MGA PULIS NAKAKAPATAY NG MGA PUSHER, SA PANAHON NI PBBM, MGA TULAK NA ANG PUMAPATAY SA MGA PULIS -- Dalawang pulis-Bocaue, Bulacan ang pinagbabaril at napatay ng isang drug pusher.
Noong si ex-P-Duterte pa ang presidente ng ‘Pinas, ang mga pulis ang nakakapatay ng mga tulak ng droga, pero ngayong panahon ni Pres. Bongbong Marcos, mga pusher na ang pumapatay sa pulis, boom!
Comments