ni Mary Gutierrez Almirañez | March 21, 2021
Inabisuhan ng Department of Health ang publiko na magsuot ng face mask kahit sa loob ng bahay partikular na kung may kasamang vulnerable o senior citizen, matapos maitala nitong Sabado ang pinakamataas na kaso ng COVID-19 simula nang magka-pandemic sa bansa.
Batay sa inilabas na DOH advisory, kailangang manatili na lamang sa bahay kung walang importanteng gagawin sa labas katulad ng non-essential travel. Inirekomenda rin ang online mass ngayong Holy Week sa halip na lumabas ng bahay.
Kailangan ding may maayos na air circulation ang bawat tahanan. Dagdag nito, kailangang mag-report kaagad sa doktor kapag nakararanas ng sintomas ng virus.
Sa mga nakakaramdam ng mild symptoms ay sa isolation facility dapat pumunta sa halip na sa ospital sapagkat anila, nakalaan ang mga ospital para sa severe cases ng COVID-19.
Kaugnay nito, iginiit ni Professor Jomar Rabajante ng University of the Philippines Pandemic Response Team na pumalo na sa 15% ang positivity rate ng COVID-19 sa Metro Manila at may posibilidad 'yung magpatuloy hanggang sa Mayo kung magsusunud-sunod ang mataas na bilang ng mga nagpopositibo kada araw.
Aniya, "Dati, bumababa tayo ng less than 10, ngayon sobrang taas, 15%, lalo na sa NCR… Sa ngayon, siyempre ang aming mga monitoring depende kung ano ang mangyayari sa susunod na araw. Pero ngayon, given ang evidence na nakukuha nating datos, posibleng matagalan, posibleng umabot ng April or May, depende sa interventions ng government."
Giit pa niya, “Kapag may isang tao na lumabas, kapag bumalik sa bahay, posibleng makahawa ng household.” Dulot ng napakabilis na hawahan ay umabot na sa 7,999 ang nadagdag sa kaso ng COVID-19 at maging ang mga ospital ay nanganganib na ring mapuno.
Comments