top of page
Search
BULGAR

7.6 milyong Pilipino ang nakaranas ng pagkagutom nito lamang Setyembre, nakupo!

ni Grace Poe - @Poesible | October 19, 2020



Nadadalas ang pag-ulan ngayong mga araw na ito. Kung dati-rati ay ubo, sipon at trangkaso lang ang problema natin sa ganitong panahon, naiba ito nang dahil sa coronavirus. Ngayon, ang pagkakaroon ng ubo, lagnat at pananakit ng katawan ay itinuturing nang sintomas ng COVID-19 infection na kailangang i-deklara sa pinapasukan at pinupuntahan, at sapat na dahilan para manatili sa ating mga tahanan para hindi makahawa sa ibang tao.


Nagluluwag na ang mga restriksiyon ng quarantine. Ipinaaalala natin sa ating mga kababayan na hindi ito dahilan para ipagsawalambahala na ang ating safety protocols. Kabaligtaran pa nga. Ngayong mas marami ang lumalabas, dapat tayong maging mas maingat at maging malay sa kalinisan at social distancing. Ipinaaalala rin natin ang kahalagahan ng katapatan sa health declaration forms. Kung may mga sintomas ng COVID-19, huwag itong itago. Walang nakakahiya sa pagkakaroon ng karamdaman. Ang nakakahiya ay ang pagsisinungaling tapos ay makahahawa ka ng napakaraming tao dahil itinago mo ang iyong sintomas o exposure sa nagpositibo.

Stay safe, mga bes!


***


Sa survey ng Social Weather Stations, lumalabas na itinatayang 7.6 milyong Pilipino ang nakaranas ng pagkagutom nitong Setyembre. Katumbas ito ng mahigit 23.8 porsiyento ng ating kabuuang populasyon.


Nakababahala ang bilang na ito dahil indikasyon ito ng epekto ng COVID-19 sa ating mga kababayan. Hindi na ito numero lamang sa istatistika ng ekonomiya — bilang ito ng mga tao kumakalam ang sikmura.


Isa sa ating batas na pinagtrabahuhan, ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act ay isinulong natin para pangalagaan ang nutrisyon ng mga ina at sanggol sa unang isang libong araw ng kanilang buhay. Ayaw nating makaranas ng gutom ang mga buntis pati ang kanilang magiging anak dahil sa malawak na epekto ng malnutrisyon. Sa pagtatapos ng budget hearings, hiniling natin ang accounting ng mga pondong inilaan para sa batas na ito para sa 2021, pati na ang naging alokasyon nitong nakaraang dalawang taon.


Ipinahayag natin ang ating pagkabahala rito dahil naglalaman ang nasabing batas ng 115 interbensiyon na nakabahagi sa sampung kagawaran. Gayunman, sa ating pagsusuri ng budget, lumalabas na dalawang component lamang ang may budget para sa 2021, ang P2.19 bilyon para sa micronutrient supplementation sa ilalim ng Department of Health (DOH) at ang P159.33-million intervention package sa ilalim ng National Nutrition Council.


Kung hindi ilalagay ng ahensiya sa kanilang panukalang budget ang kailangang pondo, mawawalan ng saysay ang batas. Hindi ito mapatutupad. Para na lamang isang sanggol ito na ipinanganak na walang buhay.


Napakahalagang protektahan natin ang kalusugan at nutrisyon ng mga ina at ng kanilang mga anak sa gitna ng pandemya. Sila ang unang-unang tinatamaan kapag naghihigpit ng sinturon ang pamilya. Kailangan nating tiyakin, lalo sa panahong ito na maraming nagugutom, na ang pondo para sa kanila ay diretso sa kanilang sikmura.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page