ni Lolet Abania | July 13, 2022
Umabot sa kabuuang 7,145 examinees o 64.77% ng 11,033 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF), ang nakapasa sa National Police Commission’s (NAPOLCOM) Special Qualifying Eligibility Examination (NSQE) na ginanap noong Mayo 29.
Ayon sa Bangsamoro Information Office, ang resulta ng exam ay ini-release nitong Lunes, Hulyo 12, o dalawang buwan matapos isagawa ng Professional Regulation Commission (PRC) ang exam sa mga lungsod ng Cotabato at Lamitan.
Isinagawa ang NSQE alinsunod sa Republic Act 11054 o ang Bangsamoro Organic Law (BOL), kung saan nakasaad, “provides the former MILF and MNLF members appropriate eligibility for temporary appointment to the rank of patrolman/patrolwoman in the Philippine National Police (PNP).”
Nilinaw naman ng NAPOLCOM na ang pagpasa sa NSQE ay hindi awtomatikong garantiya ng recruitment sa PNP.
Inaasahan na ang mga exam passers ay sumailalim sa training at PNP recruitment process gaya ng body mass index (BMI), physical agility test (PAT), neurological exam, medical, dental exam, drug test, kumpletong background check at ang final board interview.
Maibibigay lamang ang permanent appointment sa pamamagitan ng itinakdang educational requirement ng isang baccalaureate degree, na kanilang kinuha sa loob ng 15 taon sa panahon na pumasok sa PNP, na nakasaad sa ilalim ng Section 14 ng Republic Act 8551.
Ayon kay BARMM Cabinet Secretary Mohd Asnin Pendatun, labis ang kanilang pasasalamat na nagkaroon sila ng high passing rate para sa naturang qualifying exam.
“We are very happy because the sacrifice of our applicants has paid off. We understand that the validation process of the application is meticulous because we have to ensure that applicants are legitimate MILF and MNLF members,” pahayag ni Pendatun.
Sinabi rin ni Pendatun na ang Bangsamoro government ay patuloy na magbibigay ng assistance para mas mag-improve ang karanasan ng mga aplikante upang ma-admit sa PNP agencies.
Comments