ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 18, 2021
Nagpositibo sa COVID-19 ang 68 trainees ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Baguio City, ayon kay Mayor Benjamin Magalong ngayong Linggo.
Una nang kinausap ni Magalong si Philippine National Police PNP Chief Guillermo Eleazar na itigil ang pagsasagawa ng training sa siyudad dahil hindi umano nasusunod ang ilang health protocols.
Saad pa ni Magalong, “Ipinahinto ko. Sabi ko sa kanya, stop muna lahat ng training ng PNP dito sa siyudad ng Baguio.” Aniya, hindi nasusunod ang physical distancing kapag nagte-training at pagkatapos umano ng ilang activities, inaalis ng ibang trainees ang kanilang face mask.
Kung magpapatuloy umanong malalabag ang mga ipinatutupad na health protocols sa Baguio, hindi na papayagan ni Magalong na magsagawa pa ng mga PNP trainings sa siyudad. Aniya pa, “They have to follow ‘yung policy namin dito sa Baguio.”
Kinausap din umano niya si BFP Chief Gen. Jose Embang, Jr. upang suspendihin din ang mga training sa siyudad dahil sa naganap na hawahan ng COVID-19 sa training site. Saad pa ni Magalong, “Buong training ng PNP at BFP, hinto muna indefinitely hanggang makita ko talaga na ‘yung kanilang mga ginagawa ay compliant with our public health standards.”
Mabilis naman umanong umaksiyon sina Eleazar at Embang at kakasuhan diumano ang mga consistent violators. Samantala, ayon sa Public Information Office ng Baguio City, ang naitalang 68 positive cases ay mula sa “pool of 130 trainees for a 58 percent positivity rate.”
Comments