top of page
Search
BULGAR

68-anyos na evacuee sa Marikina, nagpositibo sa COVID-19

ni Lolet Abania | November 19, 2020



Magsasagawa ang pamahalaang lungsod ng Marikina ng rapid testing para sa COVID-19 sa mga residente na karamihan ay nananatili sa evacuation centers dahil sa pagkasira ng kanilang tirahan dulot ng Bagyong Ulysses.


Ayon kay Mayor Marcy Teodoro, target nilang gawin ang testing sa ilang evacuation centers sa lungsod upang hindi na kumalat pa ang Coronavirus habang nasa state of calamity ang Luzon.


Sinabi ni Teodoro na ang mga sumalang sa rapid test at naging reactive ay isasailalim sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test. Habang naghihintay naman sa resulta ng swab tests, ang isang indibidwal ay ia-isolate at dadalhin sa Marikina Convention Hotel.


Samantala, hinihintay pa ng alkalde ang dagdag na rapid test kits matapos na maubusan sila nito. Gayunman, nag-deploy na ang nasabing siyudad ng mga contact tracers sa mga evacuation centers, kung saan isang evacuee sa Barangka Elementary School ang nagpositibo sa test sa COVID-19 at kasalukuyang nasa isolation dahil symptomatic ito.


"May na-detect kami na isang positive case sa Barangka Elementary School, 68 years old siya at may comorbidities kaya naging maagap tayo upang hindi lang siya ma-isolate kung hindi higit sa lahat matanggap niya ‘yung medical supportive treatment para gumaling siya agad," sabi ni Teodoro.


Ayon pa kay Teodoro, agad na nalaman ng contact tracing team ang 13 evacuees na nagkaroon ng direct contact sa COVID-19 patient.


"Lahat ng mga nakasalamuha niya at nakasama niya sa evacuation center batay doon sa contact tracing na 13 katao ay negative naman," sabi ni Teodoro.


"Tinest din natin ang kanyang limang family members at mabuti naman na ang lumabas sa PCR testing ay negative lahat, iyong asawa niya na 62 years old at ang tatlong anak niya," sabi pa ng alkalde.


Sa ngayon, mahigit sa 15,000 indibidwal ang nananatili sa evacuation centers sa Marikina.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page