ni Lolet Abania | October 30, 2021
Dagsa pa rin ng mga indibidwal na nais na humabol sa huling araw ng voter registration para sila makaboto sa 2022 national at local elections ngayong Sabado, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
“Ngayon po’ng last day, asahan po talagang marami ang nais pang magpa-register, dagsa ang tao ngayon,” ani Comelec Director for Education and Information Department na si Elaiza Sabile-David.
Sinabi ni Sabile-David na ang target ng Comelec na bilang ng mga registrants ay kanila nang naabot.
“Ang target natin nasa 63M lang as of October 18 at hindi pa tapos ang registration at hindi pa namin nakuha ang ibang data from the field offices, nasa 63,600,000 na po tayo,” sabi ng opisyal.
Ayon kay Sabile-David, mas marami ang mga lalaki kumpara sa mga babae mula sa mga bagong nagparehistro.
“As of Oct. 18, makikitang mas marami nang kaunti lang ang mga lalaki sa babae, nasa 3,102,854 at ang sa babae naman nasa 3,059,268. Historical data, kadalasan mas marami ang babae pagdating sa registration. Hindi pa naman tapos at wala pang kumpletong datos,” saad ni Sabile-David.
Batay sa datos ng Comelec nitong Setyembre 30, nasa 374,000 ang nagparehistro sa vulnerable sectors, may 557,000 indigenous people, 10 milyong senior citizens at 23 milyong mga kabataan.
“Hindi pa po tapos ang registration niyan,” pahayag ni Sabile-David.
Aniya pa, ang ibang mga registrants ay nasasakop sa edad 31 hanggang 59-anyos.
Paniwala naman ni Sabile-David na mahihigitan pa nila ang naging turnout ng mga registrants ng nagdaang eleksyon.
“Nu’ng 2019, national and local elections din po ‘yun pero hindi siya presidential, nasa 76 percent tayo. Nu’ng 2016, dahil presidential elections po ‘yun, umabot tayo ng 82 percent. We will expect po sana na for this 2022, baka it’s more than our turnout in 2019 dahil presidential elections din po siya,” wika ng opisyal.
“Ang challenge lang dito is the pandemic na sana hindi rin maging hadlang po talaga para makakuha ng malaking turnout,” dagdag ni Sabile-David.
Gayunman, una nang sinabi ng Comelec na hindi na nila palalawigin pa ang voter registration matapos ang ginawang extension nito ng hanggang Oktubre 30.
“Maagang nagsimula ang registration. Hindi na po sana nangyayari ‘yung hindi nasasama sa cutoff kung nakapagparehistro lang sana nang mas maaga. Pero kami ay natutuwa kasi ito ay isang mensahe rin na marami pa talaga sa ating mga kababayan ang nais makilahok sa ating eleksiyon,” paliwanag pa ni Sabile-David.
Comments