ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | August 29, 2021
Ngayong September, magsisimula na ang pagbubukas ng mga pampublikong paaralan. Nakalulungkot dahil isa ang Pilipinas sa mga bansa na wala pang classroom setup para sa kanilang mag-aaral.
Tila wala ring sense of urgency ang Department of Education (DepEd) na kumbinsihin ang ating pangulo na subukan ang limited face-to-face classes sa mga lugar na classified as “low-risk” for COVID-19.
Sa aming pagdinig sa Senado, ibinahagi ng DepEd na muli silang naghain ng kanilang proposal, ngunit inamin din nilang hindi pa nakakausap ni Education Secretary Leonor Briones ang pangulo tungkol dito.
Sa Pulse Asia survey, ipinakitang 62% ng mag-aaral sa pampublikong paaralan ang gusto nang bumalik sa face-to-face classes.
Hindi naman natin hinihinging simulan na ng DepEd ang face-to-face classes sa lahat ng mga paaralan sa buong bansa.
Kailangan lang na maipaliwanag nila ng mabuti sa pangulo ang kanilang plano sa pilot testing sa mga low risk areas para masimulan na ito agad at makita natin kung maaari nang magkaroon ng face-to-face classes, lalo na sa mga lugar na mababa ang kaso ng COVID-19.
☻☻☻
Bukod sa pagbubukas ng klase, panahon na naman para himayin ang isinumiteng budget ng Department of Budget and Management sa Kongreso.
Isa sa mga bumungad sa atin nang pag-aralan natin ito ay ang pagtaas ng budget ng NTF-ELCAC para sa 2022. Tumaas ito ng P11.66 bilyon kumpara sa budget nito ngayong taon.
Nakapagtataka ito dahil binawasan naman ng DBM ang budget para sa Research Institute for Tropical Medicine’s (RITM) na siyang nangunguna pagdating sa infectious disease research sa bansa.
Ang pangunahin nating kalaban ngayon ay COVID-19. ‘Di ba, ang dapat gawin ay ang palakasin pa lalo ang mga public health service institutions, hindi pahinain?
Sa darating na mga pagdinig ng budget sa Senado, aalamin natin ang dahilan kung bakit tila mas binibigyan ng importansiya ng DBM ang ELCAC kaysa sa RITM.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments