ni Lolet Abania | February 26, 2022
Mahigit 600,000 kabataan na edad 5 hanggang 11 ang nabakunahan na kontra-COVID-19 sa halos isang buwan na pediatric vaccination drive mula nang simulan ito ng gobyerno, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa isang interview ngayong Sabado kay DOH Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Dr. Myrna Cabotaje, sinabi nitong dumami talaga ang nagkaroon ng interes na magpabakuna laban sa COVID-19 na mga menor-de-edad sa naturang age group.
“As of February 24, 663,384 na mga batang five- to 11 year-olds ang nabakunahan kontra COVID-19,” ani Cabotaje.
Matatandaan na sinimulan ng gobyerno ang pilot implementation ng pediatric vaccination noong Pebrero 7 habang pinalawig ang program sa buong bansa noong Pebrero 14.
Gayunman, ayon kay Cabotaje, sa ngayon mayroong supply shortage ng reformulated low-dose Pfizer COVID-19 vaccine para sa mga kabataan sa buong mundo.
Samantala, tinatayang may 7 milyong kabataan na edad 5 hanggang 11 sa bansa. Sa bilang na ito, target ng gobyerno na mabakunahan ang 1.7 milyon kontra-COVID-19 sa naturang age group.
Comments