ni Lolet Abania | June 1, 2022
Isang senior citizen ang nasawi matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Sta. Mesa, Manila ngayong Miyerkules ng madaling-araw.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), alas-4:30 ng madaling-araw nagsimula ang sunog sa kahabaan ng V. Mapa Street, kung saan namatay ang 60-anyos na lalaki.
Nagising na lang ang mga residente nang kalampagin ng isang kapitbahay ang kanilang mga pinto para ipaalam sa mga itong nasusunog na ang kanilang mga bahay.
Marami sa kanila ang hindi na nailigtas ang ilang kasangkapan dahil kumalat na ang apoy sa mga kabahayan. Alas-5:53 ng madaling-araw, idineklara naman itong fire out ng BFP. Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang dahilan at sanhi ng sunog.
Sa pagtaya ng BFP, aabot sa P500,000 ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian ang naturang sunog.
Comments