top of page
Search
BULGAR

6 Yrs. Kulong, P.5M multa sa ilegal na pagpapaskil ng COR ng licensed pharmacist

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 04, 2023


Dear Chief Acosta,


Isang licensed pharmacist ang aking kapitbahay at siya ay nagtatrabaho sa pribadong kumpanya sa ibang lugar hanggang ngayon. Ang kanyang tiyuhin naman ay may-ari ng isang drugstore sa aming lugar. Noong nakaraang linggo ay bumili ako ng gamot sa nasabing drugstore at nakita ko na nakapaskil doon ang kopya ng Certificate of Registration ng aking kapitbahay at nakasulat ang kanyang pangalan sa listahan ng mga licensed pharmacists na nagtatrabaho sa nasabing drugstore. Maaari bang gawin ito ng aking kapitbahay? - Ton


Dear Ton,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 45(b) ng Republic Act 10918, na tinatawag ding “Philippine Pharmacy Act,” na nagsasaad na:


“Section 45. Penal Provisions. - Any person who shall commit any of the following acts shall, upon conviction, be sentenced to pay a fine of not less than two hundred fifty thousand pesos (P250,000.00), but not exceeding five hundred thousand pesos (P500,000.00) or imprisonment of not less than one (1) year and one (1) day but not more than six (6) years, or both, at the discretion of the court:


(b) Allowing the display of one’s COR in a pharmaceutical establishment where the pharmacist is not employed and practicing;”


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, kung mapapatunayan na ang isang tao na licensed pharmacist ay hinayaan na ipaskil ang kanyang Certificate of Registration o COR sa isang establisimyento na hindi naman siya konektado o isang empleyado, siya ay maaaring pagbayarin ng multa o mahatulan ng pagkakakulong na hindi bababa sa isang taon at isang araw hanggang anim na taon.


Kung kaya, base sa iyong nasabing sitwayson, isang paglabag sa Seksyon 45(b) ng Republic Act No. 10918 ang ginagawa ng iyong kapitbahay na licensed pharmacist sapagkat hinahayaan niyang ipaskil o ilagay ang kanyang Certificate of Registration sa nasabing drugstore, lalo na at hindi naman siya empleyado o konektado roon dahil mayroon siyang trabaho sa ibang lugar.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page