ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| November 28, 2021
Na-miss nating lahat ang “big screen” o ‘yung panonood ng sine. Agree?
‘Yung tipong, ito ang madalas na bonding ng mga mag-dyowa at pamilya tuwing weekend o date night, kaya naman nang magka-pandemic ay kani-kanyang diskarte na lamang para ma-experience pa rin ang “theater vibes” kahit nasa bahay lamang.
Pero ngayong pinapayagan na ulit ang panonood ng sine, anu-ano nga ba ang mga pagbabago na dapat nating asahan?
1. ITSEK ANG MGA GAMIT. Hindi lamang wallet, phone at keys ang dapat nating dalhin kung nagbabalak manood ng sine. Kailangang may dala rin tayong face masks at hand sanitizer o alcohol, gayundin ang vaccination cards dahil requirement na ito bago makapasok sa sinehan.
2. KUMAIN BAGO ANG SHOW. Karamihan sa mga sinehan ay hindi pinapayagan ang mga manonood na kumain o uminom sa loob nang sa gayun ay maiwasan ang pagtanggal ng mask. Kaya naman bago pumasok sa theater, tiyaking busog kayo para hindi magutom sa kalagitnaan ng panonood.
3. PUMILI NG PUWESTO. Hindi man tayo eksperto pagdating sa air flow, kung susuriin, ang mas ligtas na puwesto sa loob ng sinehan ay ang malayo sa mga tao o ‘yung hindi masyadong dinaraanan. Bagama’t may social distancing na ipinatutupad, ang pinakaligtas na puwesto ay ang corner seats at top row. Kung sinuwerte kang makuha ang seats na ito, make sure na nakapag-bathroom break na bago ang show nang sa gayun ay maiwasan ang pagtayo o paglabas ng sinehan habang nanonood.
4. PUMILI NG ORAS. Kung noon ay keri lang manood ng sine kahit ano’ng oras natin gustuhin, ngayon ay medyo kailangan na nating ibahin ang nakasanayan. Mas oks manood sa off-peak hours upang makaiwas sa pagdagsa ng mga tao. Kung kaya mong manood sa weekdays, mas oks dahil for sure, halos solo mo ang sinehan. Pero kung sa ticketing booth pa lang ay makikita mo nang maraming tao, mas mabuting ipagpaliban muna ang panonood.
5. SULITIN ANG EXPERIENCE. Well, given nang may risk ang paglabas sa panahong ito, kaya naman make sure na mae-enjoy ninyo ang experience na ito. Paano? Piliin ang pelikula na gusto mo talagang panoorin, ‘yun bang worth it itong makita sa big screen.
6. TEST & QUARANTINE. Bagama’t hindi ito required, kung afford mong magpa-test, go lang. Mag-quarantine lamang ng at least isang linggo o magpa-test tatlong araw matapos ang paglabas. Masyadong ma-effort man ito para sa iba, hindi naman masama na maging maingat, lalo pa’t hindi natin kilala ang mga taong nakasalamuha natin sa labas.
Totoo maraming konsiderasyon sa panonod ng sine habang may pandemya, gayundin ang risk na kasama nito. Pero dahil sobrang na-miss ito ng marami sa atin, hindi nawawala ang “magic” na ibinibigay nito sa atin kapag nanonood ng movie sa big screen.
‘Yun nga lang, kasabay nito ang dobleng pag-iingat nang sa gayun ay hindi tayo makasagap ng sakit pagkatapos mag-enjoy. Okie?
Comments