top of page
Search
BULGAR

6 signs na ‘di kontrolado ang blood sugar, alamin!

ni Justine Daguno - @Life and Style | July 03, 2021




Maituturing na ‘traitor disease’ o traydor na sakit ang diabetes, na kung mapababayaan ang mga sintomas at komplikasyon ay maaari itong mauwi sa kamatayan ng pasyente. Bukod sa COVID-19, marami pang sakit ang kailangang bantayan upang mapanatiling maayos ang ating kalusugan.


Kaya naman, ayon sa mga eksperto ay mahalaga ang regular na pagkakaroon ng glucose monitoring nang sa gayun ay mapananatiling ‘controlled’ ang ating blood sugar.


Kaugnay nito, narito ang ilang ‘key warning signs’ o mga senyales na dapat nating bantayan upang maiwasan ang panganib ng nasabing sakit:

1. MADALAS MAUHAW AT MAIHI. Tumataas ang blood sugar kapag ang pasyente ay nakararanas madalas na pagkauhaw o ‘unusual drinking’, kumpara sa nakasanayang pag-inom ng tubig. Paliwanag ng mga eksperto, sa pagtaas ng asukal sa dugo, napipilitang magtrabaho nang husto ng kidney. At ang sobrang asukal sa dugo ay nailalabas sa pamamagitan ng pag-ihi, kung kaya’t nagiging madalas itong nagagawa ng pasyente.


2. PALAGING GUTOM PERO BUMABABA ANG TIMBANG. Karamihan sa mga taong mayroong hindi kontroladong blood sugar ay nagiging magugutumin—ito ay tinatawag na polyphagia. Bagama’t madalas ang pagkain, nababawasan naman ang timbang na marahil ay dahil ang lebel ng blood sugar ay masyadong mataas.


3. PAKIRAMDAM NA SOBRANG PAGOD NA PAGOD. Dahil hindi balanse ang timbang at gana sa pagkain, maaaring makaranas ang pasyente ng sobrang pagod o ‘yung pakiramdam na wala nang ganang kumilos o gumalaw-galaw. Kapag ang katawan ay hindi maayos na nakapagpo-proseso ng insulin o hindi sapat ang insulin, nauubusan ng energy ang mga cells na siyang dahilan ng panghihina ng katawan.


4. NAGKAKAROON NG PANLALABO NG MGA MATA. Ang pagkakaroon ng malabong paningin ay isa rin sa mga senyales na dapat bantayan. Ayon sa pag-aaral, ang mataas na lebel ng ng blood sugar ay nakapagdudulot ng pamamaga ng mga mata. Ito ay dahil sa sobrang likido nito. Ang nasabing likido ang dahilan kung bakit nagbabago ng hugis ang lens, kung kaya’t nawawala pokus na siyang dahilan ng panlalabo ng paningin.


5. NAKARARAMDAM NG PANGINGINIG AT PAMAMANHID. Ilan pa sa mga senyales ay ang madalas na panginginig o pamamanhid ng mga kamay at paa. Tulad ng nabanggit, ang hindi kontroladong blood sugar ay nakapagdudulot ng nerve damage o mas kilala bilang diabetic neuropathy. Bagama’t ang neuropathy ay common na sa mga matagal nang may diabetes, maaari pa rin itong pantukoy na may diabetes nga ang pasyente.


6. MAYROONG PAMAMAGA O PAGDURUGO NG GILAGID. Maituturing din na komplikasyon sa diabetes ang gum disease o ‘yung pamamaga at pagdurugo nito. Ito ay dahil kapag may diabetes, ang kakayahan ng katawan na labanan ang mga impeksiyon ay bumababa dulot ng hindi makontrol na asukal sa katawan.

Bantayan ang mga senyales na ‘to, hindi lang para sa pansariling kalusugan kundi maging sa kapakanan ng ating mahal sa buhay. Gets mo?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page