ni Lolet Abania | April 23, 2022
Nag-isyu na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show-cause orders sa anim na provincial bus operators para ipaliwanag nito kung bakit libu-libong mga pasahero ang na-stranded sa Pampanga bus stations ngayong linggo.
Una nang isinisi ng LTFRB at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nangyaring pagkalito o confusion hinggil sa ipinatutupad ngayong window hour scheme mula sa ilang bus companies anila, “they were ‘sabotaging’ the policy”.
Ayon sa LTFRB, ang mga provincial bus operators na umano’y lumabag sa kanilang Certificate of Public Convenience ay ang mga sumusunod:
• Victory Liner Inc.
• Genesis Transport Service Inc.
• Bataan Transit Bus Co. Inc.
• Five Star Bus Inc.
• First North Luzon Transit Inc.
• Maria De Leon
Nabatid ng mga awtoridad na batay sa LTFRB, ang mga naturang bus operators ay hindi umano nagkaroon ng anumang biyahe o trips patungong Manila, na naging dahilan kaya libu-libong pasahero ang na-stranded mula sa mga sumusunod na terminals sa Pampanga:
• Dau Terminal, Mabalacat, Pampanga
• Robinsons Mall Terminal, San Fernando City, Pampanga
• Victory Liner Terminal, San Fernando City, Pampanga
• Bataan Transit Terminal, San Fernando City, Pampanga
• Genesis Terminal, San Fernando City, Pampanga
• Bus Stop in Mexico, Pampanga
Samantala, itinakda ang hearing kaugnay dito sa Mayo 10 via teleconference.
“Ang mga [public utility bus] operators ay natukoy ng LTFRB Region III na hindi nag-operate sa mga terminal sa Pampanga na nagdulot ng mahahabang pila ng libo-libong pasaherong hindi makabiyahe papunta ng Metro Manila noong ika-20 ng Abril... dahil sa kawalan ng pampublikong bus,” batay sa notice.
“Kasunod niyan ay inaatasang magbigay ng paliwanag ang anim na PUB operators dahil sa nangyaring insidente at kung bakit sila hindi nag-operate noong ika-20 ng Abril,” ayon pa sa notice.
Nitong Biyernes, sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na ang window hours policy ay mananatili alinsunod ito sa development plan ng gobyerno.
Maraming provincial bus operators ang naglimita ng kanilang operasyon sa gabi dahil sa bagong ipinatupad na window hour scheme, subalit nilinaw naman ng transport authorities na ang polisiya ay patungkol lamang sa paggamit ng mga private terminals sa loob ng Metro Manila.
Comments