ni Lolet Abania | December 29, 2022
Anim ang nasawi matapos na sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Arlegui Street sa Quiapo, Manila ngayong Huwebes, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Base sa kanilang updated report, sinabi ng BFP na apat na sibilyan din ang nasugatan sa insidente.
Gayundin, anang ahensiya, dalawa sa mga namatay ay natagpuan ang mga katawan na magkayakap.
Unang nai-report, na limang miyembro ng pamilya, kabilang ang kambal na 12-anyos, na nawawala kasunod ng sunog. Habang isang kapitbahay ang naiulat ding nawawala kalaunan.
Ayon sa BFP, humigit-kumulang sa 1,200 katao o tinatayang 500 pamilya ang apektado ng sunog na tumupok sa nasa tinatayang 50 istruktura sa nasabing lugar.
Umabot naman sa P5 milyong halaga ang naiulat na pinsala dahil sa sunog.
Batay sa report ng BFP, nagsimula ang sunog ng alas-2:34 ng madaling-araw habang itinaas sa third alarm level ng alas-2:50 ng madaling-araw. Idineklarang under control na ang apoy ng alas-4:15 ng madaling-araw at fire out ng alas-8:10 ng umaga.
Ayon pa sa BFP, nasa tinatayang 12 truck ng bumbero at tatlong ambulansiya ang rumesponde sa lugar.
Patuloy namang iniimbestigahan ng BFP ang naging sanhi at pinagmulan ng sunog.
Comments