ni Lolet Abania | April 22, 2022
Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng anim na nasawi dahil sa sakit na dengue sa Davao region mula Enero hanggang Abril 2022.
Ang tatlong indibidwal na nai-record na namatay sanhi ng dengue ay mula sa Davao del Sur, habang tig-iisa sa Davao City, Davao del Norte, at Davao Occidental.
Subalit sinabi ng DOH na sa parehong panahon noong nakaraang taon, lima lamang ang nai-record na nasawi sa naturang sakit.
Tumaas ang mga kaso ng dengue sa rehiyon na nasa 1,308 mula noong Enero hanggang Abril ngayong taon, kung ikukumpara sa 1,255 cases sa parehong period noong 2021.
Ayon kay Dr. Gerna Manatad, DOH XI assistant regional director, ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit ay malalimang nakikipag-ugnayan sa local government unit (LGU) upang ma-monitor ang mga barangay na maaaring nakakapag-ambag sa pagtaas ng mga kaso ng dengue.
“We are monitoring the number of dengue cases because it has really a potential to cause an outbreak,” ani Manatad.
Paliwanag ng DOH, “Dengue virus is transmitted by day-biting Aedes aegypti and Aedes albopictus mosquitoes and is the fastest spreading vector-borne disease in the world, which is endemic in 100 countries.”
Hinimok naman ng DOH Region XI ang publiko na panatilihing palaging malinis ang kanilang kapaligiran at itapon na ang mga stagnant water na posibleng maging breeding sites ng mga lamok.
Comentários