ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| September 14, 2021
Marami sa atin ang umiinom ng over-the-counter medicines para mabilis na masolusyunan ang sakit ng ulo. Pero mga besh, knows n’yo ba na puwede nating malabanan ang sakit ng ulo nang walang iniinom na gamot?
Halimbawa nito ang relaxation techniques, acupressure o warm compress na nakatutulong upang makaramdam ng ginhawa. Gayunman, narito ang ilang home remedies kontra sakit ng ulo na dapat nating malaman:
1. HOT O COLD COMPRESS. Para sa sakit ng ulo na nagsisimula sa isang area at mapupunta sa ibang parte ng ulo tulad ng migraine headaches, maglagay lamang ng cold compress sa parte kung saan unang naramdaman ang sakit. Sey ng experts, ang malamig na temperatura ay may ‘numbing effect’ na nakakapagpawala ng sakit. Upang gawin ito, maglagay ng damp towel sa freezer sa loob ng 10 minuto, habang oks din ang paggamit ng ice pack. Samantala, para sa tension headache, mas mabuting gumamit ng hot compress. Ang tension headache ay kadalasang resulta ng stress at ang pagre-relaks ng stiff neck at shoulder muscles ay makatutulong upang ma-relieve ang ganitong uri ng sakit ng ulo.
2. ACUPRESSURE. Ito ‘yung paglalagay ng pressure sa espesipikong parte ng katawan sa loob ng ilang minuto. Ayon sa mga eksperto, higit itong nakatutulong sa batok o base ng skull, nakatutulong din sa pagrelaks ng tensyon sa muscles sa leeg, na kadalasang apektado ng tension headaches. Upang gawin ito, base sa mga hakbang mula sa Memorial Sloan Kettering Cancer Center, hanapin ang espasyo sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo ng kaliwang kamay, ito ang magiging pressure point LI-4 o Hegu. Ilagay ang kanang hinlalaki at hintuturo sa pressure point saka igalaw ang dalawang daliri paikot habang nilalagyan ng pressure. Tandaan, kailangang maging firm, pero hindi ka dapat masaktan. Gawin din ito sa kanang kamay at ulitin ang proseso sa loob ng limang minuto.
3. RELAXATION TECHNIQUES. Kabilang dito ang yoga, meditation at breathing exercises, na nakatutulong sa ibang klase ng sakit ng ulo, partikular ang cluster headaches. Ang naturang uri ng sakit ng ulo ay nararamdaman naman sa likod ng mata, at puwede itong ma-relieve sa pamamagitan ng deep breathing exercise. Halimbawa nito ang rhythmic breathing o ang paghinga nang mahaba, mabagal at pagbilang mula isa hanggang lima kasabay ng pag-inhale at exhale. Samantala, ang yoga at meditation ay makatutulong sa tension at migraine headaches dahil nakarerelaks ito ng katawan at nakababawas ng stress.
4. DIET. Yes, beshie! Ang mga pagkaing may phenylalanine at tyramine ay nakapagpapataas ng frequency ng migraine headaches para sa ibang tao. Gayunman, ang phenylalanine ay amino acid na kadalasang nakikita sa artificial sweeteners, MSG at mga pagkaing may nitrate tulad ng processed meat. Ang tyramine naman ay isang compound na napo-produce ng breakdown ng amino acids at natatagpuan sa smoked o fermented food, nakalalasing na inumin, at aged cheese tulad ng parmesan at blue cheese. Para maiwasan ang sakit ng ulo, suggestion ng experts, kumain ng tatlo hanggang apat na ‘small meals’ sa buong araw, sa halip na dalawang large meals. Ang mga pagkaing mayaman sa protein at dietary fiber tulad ng almonds at cherries ay makatutulong din sa paglaban sa sakit ng ulo.
5. STAY HYDRATED. Of course, kailangan ng mas maraming tubig at bawasan ang pag-inom ng dehydrating beverages tulad ng alak at kape. Sey ng experts, uminom ng 8 hanggang 16 ounces ng tubig kada dalawa hanggang tatlong oras kapag nakararamdam na ng kaunting sakit ng ulo. Samantala, ang caffeine ay posible ring sanhi ng sakit ng ulo, lalo na kung regular itong kinokonsumo at biglang inihinto. Gayunman, posibleng maging tricky ang caffeine dahil nakatutulong ito sa ibang uri ng sakit ng ulo tulad ng migraine, pero ang labis na pagkonsumo ng kape ay nagreresulta sa dehydration na nagdudulot ng migraine.
6. VITAMINS O SUPPLEMENTS. Maraming vitamins, supplements at herbal remedies na nakapipigil sa sakit ng ulo, partikular sa migraine. Ang natural remedies na ito ay nakatutulong upang mapaganda ang sirkulasyon, nagsisilbing anti-inflammatory, nagdadala ng maraming oxygen sa tissues, nagbibigay ng muscle relaxation at nagbibigay ng direct pain relief. Halimbawa ng supplements na inirerekomenda ng mga eksperto ay ang magnesium, riboflavin, coenzyme Q10, chamomile at feverfew.
Tandaan na ang mga nabanggit ay home remedies lamang, kung saan posibleng makatulong sa iyong nararamdaman o hindi. Pero kapag walang umepekto sa mga ito, ‘wag magdalawang-isip na magpatingin sa doktor.
Sa ganitong paraan, malalaman ang mas dapat gawing hakbang upang tuluyang mawala ang nararamdamang sakit ng ulo. Okie?
Comments