ni Lolet Abania | May 5, 2021
Anim na biyahero mula sa India na dumating sa Pilipinas bago pa man ipinatupad ang mahigpit na border restrictions ang nagpositibo sa COVID-19, ayon sa ulat ng Department of Health (DOH).
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nasa 110 travelers mula sa India ang sumailalim sa COVID-19 testing. “Anim (Six) turned out to be positive and it is now submitted to the Philippine Genome Center for whole genome sequencing,” ani Vergeire sa online briefing ngayong Miyerkules.
“Meron pong anim na hanggang ngayon ay nilo-locate pa rin natin,” dagdag ng kalihim. Matatandaang nagpatupad ang pamahalaan ng temporary ban sa lahat ng mga biyahero mula sa India upang mapigilan ang pagpasok ng isang bagong coronavirus variant na unang na-detect sa nasabing bansa. Ipinatupad ang border restrictions noong April 29 habang magtatapos ito sa May 14.
Gayunman, hindi sakop o napabilang ang mga biyahero na in transit o dumating na sa Pilipinas bago ito naging epektibo. “That’s the hope, that we can prevent the entry of specific variants into the country,” sabi ni Vergeire.
Samantala, inirekomenda ng DOH na ang mga paparating na biyahero ay dapat sumailalim sa test sa COVID-19 matapos ang pito o walong araw nang dumating sa bansa, kung saan mataas ang viral load, upang maitaboy ang posibleng positibong kaso.
“Kahit ano pa pong variant… kailangan lagi po tayong protektado, so continue doing the minimum public health standards,” ani Vergeire. Sa ngayon, nakapagtala ang bansa ng 1,075 cases ng B.1.351 o South Africa variant, 948 cases ng B.1.1.7 o United Kingdom variant, 157 cases ng P.3 o Philippine variant, at 2 kaso ng P.1 o Brazil variant.
תגובות