ni Lolet Abania | December 9, 2020
Anim na turista ang ipinasok sa isang quarantine facility sa Boracay matapos na magpakita ang mga ito ng diumano’y peke nilang swab test results ng COVID-19.
Ayon kay Lt. Col. Jonathan Pablito, Malay police chief, ang mga nasabing turista ay nagmula sa Metro Manila subali't hindi niya binanggit ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Sa inilabas na ulat, dumating sa Boracay noong weekend ang apat na babae at dalawang lalaki na mga residente ng Quezon City, Parañaque at Makati.
Sa report ng awtoridad, may nakitang discrepancy sa serial number nang suriin nila ang totoong oras ng polymerase chain reaction (RT-PCR) test results na ibinigay ng anim na turista. Agad na nakipag-ugnayan si Pablito sa Mandaluyong City Police para i-check ang Safeguard DNA Diagnostic Center na naka-address sa nasabing lungsod kung saan sumailalim umano sa swab testing ang anim na turista.
Sinabi ni Pablito na nakatanggap sila ng isang certification mula sa naturang diagnostic center noong Lunes na nagpapatunay na nag-iisa lamang sa anim na RT-PCR test results na kanilang ipinasuri ang authentic. Ang ibang test results ay mga photocopies at binagu-bago lang.
Inaresto ng Malay police ang anim na turista dahil sa falsification of documents at paglabag sa Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at RA 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act.
Gayunman, dinala ang anim na turista sa Aklan Training Center, ang COVID-19 facility ng lalawigan sa Barangay Old Buswang sa Kalibo, Aklan. Magsasagawa sa mga ito ng swab testing at isasailalim doon sa 14-day quarantine.
Tiniyak naman ni Col. Esmeraldo Osia, Jr., Aklan police chief, na ang lokal na pulisya at ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ay patuloy na nagpapatupad ng minimum health protocols para sa kaligtasan ng mga turista at residente ng lalawigan.
Samantala, sa datos ng Malay municipal tourism office, umabot na sa 4,154 turista ang bumisita sa Boracay noong nakaraang buwan.
Comentários