POSITIVE ULI
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | May 07, 2021
Malungkot na ibinalita ng dating sexy comedienne at ngayon ay bokal ng 3rd district ng Laguna na si Angelica Jones na muli na namang nagpositibo sa COVID-19 ang kanyang inang si Mommy Beth.
Last Saturday (May 1) lang ay masayang inianunsiyo ni Angelica na nagnegatibo na si Mommy Beth sa COVID-19 at conscious na. Inalisan na rin daw ito ng ventilator kaya pati kami ay natuwa rin and prayed na magtuluy-tuloy na ang kanyang paggaling.
Pero last Wednesday ay muling nag-post si Angelica at ikinuwento na nu'ng May 4 ay bumaba ulit ang oxygen level ng ina at nang i-test ay muli raw itong nagpositibo sa nasabing killer virus.
Ang hinala ni Angelica ay nahawang muli si Mommy Beth sa mga kasamahang nasa ICU na pawang mga positibo.
Sa ngayon ay hindi pa rin daw stable ang kalagayan ng ina at kailangang manatili pa sa ICU.
“Base sa aking karanasan at ng aking ina, sa District Hosp. San Pablo. Ang aking ina, naka-ICU pero may mga kasama siya mga COVID patients na anim na pasyente sa isang ICU Rm.
“Halos isang buwan na ang aking ina nasa ICU at intubated unconscious, nahihirapan pero lumalaban, marami nagdarasal para sa aking ina,” bahagi ng post ni Angelica.
Hiling niya ay magkaroon ng cubicle ICU ang San Pablo District Hospital kung saan naka-confine ang ina, para na rin daw proteksiyon ng mga pasyente, doktor at nurses.
Matatandaang nagpositibo rin sa COVID-19 si Angelica at ang 8-year-old son na si Angelo nitong nakaraang Abril. Halos sabay-sabay silang naospital na tatlo pero ang pinakagrabe ay si Mommy Beth na na-ICU and unconscious.
Last April 21 ay ibinalita ni Angelica na negatibo na sila ng kanyang anak sa virus at makakauwi na ng bahay.
Comments