ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Jan. 8, 2025
Photo: Dina Bonnevie - IG
Pumanaw na ang mister ni Ms. Dina Bonnevie na si Agriculture Undersecretary Deogracias Victor “DV” Barbers Savellano kahapon ng tanghali sa edad na 65.
Walang binanggit na dahilan ng pagkamatay nito.
Viral ang posts ng mga anak ni Ginoong Victor na sina Patch at Marie Savellano na may mensaheng: “I love you so much, Papa.”
Sinundan naman ni Patch Singson ng, “Di monto kunaem nga malipatan ka inggat tumpal tanem. I love you so much, Papa.”
Kuha ito sa lyrics ng Ilocano song na ang ibig sabihin ay “Huwag mong sabihin na makakalimutan kita hanggang kamatayan.”
May mga larawan ding magkakasama ang mga anak at apo nina G. Victor at Dina mula sa kani-kanilang previous marriage.
Taong 2012 naman nang ikasal sina Dina at G. Victor.
Nakakagulat ang nangyaring ito dahil 6 days ago ay may video post pa si Dina habang nasa bakasyon silang mag-asawa sa Japan at ang caption ay: “Happy New Year, everyone!
May your blessings for 2025 be as grand and as beautiful as Mt. Fuji! Cheers!”
Maraming natuwa sa post na ito ni Dina dahil ang ganda-ganda raw ng Mt. Fuji na bihirang magpakita dahil kadalasan ay foggy.
Samantala, kaliwa’t kanan ang nakiramay sa mga naulila ni G. Victor Savellano.
Ipinagmalaki ng MTRCB na nakapagtala sila ng panibagong record matapos makapagrebyu ng mahigit 267,000 na materyal sa loob ng 2024 sa layuning mabigyan ng angkop na klasipikasyon ang lahat ng palabas.
Mas mataas ito kumpara sa 255,220 noong 2023 at 230,280 noong 2022.
Kabilang dito ang 264,424 na mga materyal para sa telebisyon, 592 pelikula, 549 movie trailers at 1,525 publicity at optical media na ipinasa ng mga producers at istasyon para mabigyan ng angkop na klasipikasyon.
Sa halos 600 na pelikula, 30 dito ay rated G (angkop para sa lahat ng manonood), 298 rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang), 251 ang R-rated, habang 13 ang na-X o hindi pinayagang maipalabas sa mga sinehan.
Bagama’t limitado lamang ang kakayahan at kagamitan ng ahensiya, ang bilang ng mga narebyu ng Board ngayong taon ay sumasalamin sa dedikasyon na matiyak na mabigyan ng angkop na klasipikasyon ang lahat ng materyal sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng industriya ng paglikha dahil sa teknolohiya.
Ayon kay MTRCB Chairperson Lala Sotto-Antonio, ang lahat ng isinumite sa Board ay nabigyan ng “age-appropriate ratings” habang balanseng tinitiyak na may malayang pagpapahayag at pagprotekta sa manonood.
Nagpasalamat din si Sotto-Antonio sa 30 Board Members para sa kanilang hindi matatawarang trabaho at pagiging propesyonal upang bigyan ng angkop na klasipikasyon at masiguro na ligtas ang mga materyal bago ito maisapubliko.
Muling tiniyak ng hepe ng MTRCB na ngayong 2025 ay mas pagbubutihin pa nila ang trabaho at patuloy na magiging kaagapay ng industriya ng paglikha at ng pamilyang Pilipino tungo sa responsableng panonood at paglikha.