ni Thea Janica Teh | December 28, 2020
Anim hanggang pitong magkakaibang COVID-19 vaccines ang pinaplanong bilhin ng pamahalaan, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ngayong Lunes at sinabing hindi lang isang brand ng vaccine ang pinapaboran ng mga ito.
Aniya, nabanggit na umano ng vaccine czar kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bibilhing vaccine na may efficacy rate na pasok sa standard ng World Health Organization.
Ibinahagi rin ni Vergeire ang sagot nito sa mga paratang ng ibang senador na may isang vaccine lamang ang pinapaboran ng pamahalaan at ito ay ang Sinovac na gawang-China na may 50% efficacy rate at dumadaan pa sa late-stage trial. “Hindi po tayo kumikiling sa iisa lang na bakuna.
Hindi rin po tayo papayag na papasok ang bakuna rito na hindi dumadaan doon sa ating regulatory process, which will ensure that the vaccine will be safe and effective for our population.” Sinabi rin ni Vergeire na marami umanong option na COVID-19 vaccine ang pamahalaan.
“Kailangan pong maintindihan ng ating mga kababayan, we are getting portfolio of the vaccine. Ibig sabihin, hindi lang po isa kundi marami po tayong pinagpipilian,” dagdag ni Vergeire.
Samantala, nitong Linggo, sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na piliin ang best COVID-19 vaccine para sa Pilipinas batay sa efficacy, efficiency at cost-effectiveness nito.
Comments