ni Lolet Abania | January 26, 2022
Mahigit sa 6.2 milyong kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 ang fully vaccinated na kontra-COVID-19, ayon sa isang health expert ngayong Miyerkules.
Sinabi ni Dr. Mary Ann Bunyi ng Department of Health-Technical Advisory Group, ito ay nasa 58.7% na ng target population na 10.7 milyong menor-de-edad na 12 hanggang 17-anyos.
Gayundin, ayon kay Bunyi nasa 7.6 milyon o 71.21% ang nakatanggap naman ng isang dose ng bakuna. Base aniya, sa report ng Food and Drug Administration (FDA), nasa 3.11% lamang ng naturang age group ang nai-report na nakaranas ng adverse events.
Sa naranasang adverse events, 94% dito ay kinokonsiderang non-serious habang nasa 5% naman ang itinuturing na serious o malubha. Ang pinakakaraniwang reaksyon na nai-report ay pagkahilo, masakit sa bahagi ng injection site, pyrexia, masakit ang ulo, at pagtaas ng blood pressure.
Mayroon ding dalawang kaso ng myocarditis at isang kaso ng pericarditis. “These patients have all recovered from these conditions,” ani Bunyi.
Gayunman, ayon kay Bunyi ang naging sanhi ng sakit ay patuloy nilang iniimbestigahan. Hinimok naman ng health expert, ang mga magulang na pabakunahan na rin kontra-COVID-19 ang kanilang mga anak na nasa edad 5 hanggang 11.
“Ang mga bakunang binibigay ng ating pamahalaan ay nagdaan ng masusing pag-aaral.
So, hindi naman magbibigay ang pamahalaan ng isang bakuna na hindi ligtas at mabisa para sa mga batang ito,” giit ni Bunyi sa DOH Kapihan.
“So kung ang hinahangad nila ay protektahan ang kanilang anak laban sa sakit na ito at maiwasan na magkaroon sila ng malalang sakit then maiging mabakunahan sila,” dagdag pa niya.
Comments