ni Lolet Abania | February 10, 2022
Nasa tinatayang 55 milyong Pilipino na ang nakarehistro para sa National ID system ng bansa, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
“Meron na kaming nairehistro as of Feb. 4 na about 55 million na,” sabi ni PSA Assistant Secretary Rosalinda Bautista sa isang interview ngayong Huwebes.
Gayunman, batay sa latest data ng PSA ay nasa 6 milyon na mga Philippine Identification cards ang nai-release pa lang sa ngayon.
Ayon sa ahensiya, magkakaroon ng mga delays o pagkaantala sa delivery ng mga PhilID cards.
“’Yun po ngayon ang aming challenge. Right now, ang nakikita po namin na based du’n sa capacity ng PHLPost (Philippine Postal Corporation) ay minimum po ng 6 na buwan,” paliwanag ni Bautista, na isa ring deputy national statistician ng Philippine Identification System Registry Office.
Samantala, target ng PSA na makapagrehistro ng 90 milyong Pilipino para sa National ID system sa pagtatapos ng 2022.
Matatandaang noong Oktubre 2020, nagsimula ang 3-step PhilSys registration process ng national ID, kung saan prayoridad ang mga low-income households mula sa 32 mga lalawigan.
Ang Step 1 ay pagbibigay ng demographic information habang ang Step 2 ay pagba-validate ng mga supporting documents at pagkuha ng biometric information.
Ang huling step ay pag-iisyu na ng PhilSys Number at ang delivery ng PhilID cards.
Comments