ni Mary Gutierrez Almirañez | March 1, 2021
Mahigit 1,500 healthcare workers ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City ang nakatakdang mabakunahan ng Sinovac COVID-19 vaccines bukas, Marso 2, ayon kay Mayor Marcelino Teodoro.
Pero batay sa ulat, umatras magpabakuna ang 55 healthcare workers sa lungsod sapagkat anila ay gusto nila ang mas mataas na efficacy rate ng bakuna, na kaagad namang naunawaan ng alkalde.
“Sinabi ko nga ru’n sa ospital namin dito, ‘yung Amang Rodriguez Medical Center, eh, ‘yung 55 na tumanggi para maturukan ngayon ay isama ru’n sa susunod na ano na listahan, hangga’t maaaring makatanggap ng ibang brand ng bakuna na maaaring maging available sa mga darating na araw,” pahayag ni Mayor Teodoro.
Giit pa niya, hindi dapat mabahala ang mga umatras na healthcare workers dahil hindi sila mapaparusahan.
“Dito sa Marikina, nakikipag-ugnayan kaming mabuti ru’n sa aming medical director. Pero nababalitaan ko nga sa ibang ospital, parang mayroong pananakot at mayroong parang panggigipit na ginagawa na sinasabing hindi sila maisasama ru’n sa priority list na gagawin. Pero ito’y mali. Hindi tama. Mabuti na malinaw natin itong masabi sa mga kababayan natin.”
Dagdag niya, dapat lamang maibigay sa mga healthcare workers ang bakunang may pinakamataas na efficacy rate dahil sila ang pananggalang ng mga mamamayan laban sa COVID-19.
Comments