ni Lolet Abania | February 11, 2022
Mahigit sa 50,000 kabataang edad 5 hanggang 11 ang nabakunahan na kontra-COVID-19 mula nang isagawa ng gobyerno ang rollout ng vaccination program noong Pebrero 7, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na umabot sa kabuuang 52,262 minors mula sa naturang age group ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna sa 56 vaccination sites.
Sa nasabing bilang, apat lamang na mga bata ang nakaranas ng mild adverse events following immunization (AEFI) gaya ng masakit sa injection site, rashes o pamamantal, bahagyang pagtaas ng blood pressure, lagnat, at pagsusuka.
Gayunman, ani Vergeire ang mga bata ay agad ding nakarekober.
“Paalala po sa ating mga magulang na ‘wag po tayong matakot at mangamba dahil handa po ang ating mga healthcare workers at ang vaccination sites upang tugunan ang ano mang AEFI na maaaring maramdaman ng inyong mga anak,” paliwanag ng kalihim.
“Kaya naman po muli po amin pong hinihikayat ang aming mga magulang, ang ating mga legal guardian, iparehistro na po natin ang ating mga kabataan edad 5 hanggang 11 taon para sa karagdagang proteksyon,” dagdag niya.
Ayon kay Vergeire, ang mga bata na below 5-anyos, ang may pinakamataas na kaso ng fatality rate na kabilang sa pediatric age group mula noong Marso 2021 na umabot hanggang Enero 2022, bukod dito noong Disyembre 2021.
“Pinakamataas ang naitalang case fatality rate noong Nobyembre kung saan tumama ito sa 1.47%,” sabi ni Vergeire.
Gayunman aniya, ang kaso ng pagkamatay o death percentage ng COVID-19 cases ay nananatili pa ring pinakamataas mula sa mga senior citizens dahil sa kanilang comorbidities.
Comments