ni Lolet Abania | July 28, 2021
Nasa tinatayang 82 personnel ng Police Station 3 ng Quezon City Police District (QCPD) ang nagpositibo sa test sa COVID-19. Sa kabuuang 161 pulis na sumailalim sa testing, 82 ang positibo habang 79 naman ay nakatanggap ng negative results.
Sa isang interview kay Mayor Joy Belmonte, ini-report ng Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) ng lungsod na ang mga pulis ay na-test noong July 23.
Gayunman, nilinaw ni Belmonte na ang transmission ng virus ay walang kaugnayan sa mga pulis na naka-duty sa State of the Nation Address (SONA) ni President Rodrigo Duterte nitong Lunes, July 26.
“Matagal na silang na-swab, so walang kinalaman ito sa SONA,” ani Belmonte. Batay sa report ng CESU, naniniwala si Belmonte na ang tinamaan ng impeksiyon ay dahil sa kakulangan ng pagsunod ng istasyon ng pulis sa health protocols. “It’s just a matter of loose health standards,” sabi ni Belmonte.
Sa isang statement ng lokal na pamahalaan, ang mga infected na pulis ay nakatalaga sa Police Station 3 (Talipapa), Police Community Precinct 1 (Unang Sigaw) at Police Community Precinct 2 (Bahay Toro).
Sinabi pa ni Belmonte, ang mga police personnel ay nabakunahan na. Dinala na ng mga awtoridad ang unang batch ng infected na pulis sa isang isolation facility, habang ang iba pa ay pinoproseso pa at naghihintay ng resulta ang test.
Ayon kay CESU Chief Dr. Rolando Cruz, ang 48 positive cases ay na-admit na sa mga HOPE facilities ng lungsod nitong Martes nang gabi, habang ang 34 ay nakatakdang dalhin din sa kanilang quarantine facilities ngayong Miyerkules. “The first 48 positive cases were already admitted to several of our HOPE facilities last night, July 27. The other 34 will be admitted today,” ani Cruz.
Sinabi rin ni Cruz na ang lahat ng infected na pulis sa Police Station 3 ay asymptomatic. Tiniyak naman ni Police Station 3 commander Lieutenant Colonel Cristine Tabdi na mananatili ang istasyon na operational upang tumanggap ng reports o complaints sa receiving area na nasa labas nito.
Subalit, ang nasabing istasyon ay restricted na sa publiko at ipinagbabawal ang pagbisita rito. Iniutos na rin ng city government sa QCPD na beripikahin kung ang mga infected na pulis ay na-deploy bilang security sa SONA, kasabay ng paglalabas ng direktibang lahat ng pulis na naghihintay pa ng resulta ng kanilang test ay dapat sumailalim sa mandatory quarantine at anumang pagsuway sa ipinatutupad na protocol ay paglabag sa probisyong nakasaad sa Republic Act 11332.
Inatasan na rin ni Belmonte ang lahat ng 16 station commanders na siguruhing ipinatutupad sa kanilang mga istasyon ang minimum health protocols. Samantala, nasa 51 mula sa 82 pulis ng Police Station 3 ng Quezon City na nagpositibo sa test sa COVID-19 ay na-deploy bilang security sa SONA nitong Lunes.
Sa isang press conference, inianunsiyo ni Quezon City Police District (QCPD) director Police Brigadier General Antonio Candido Yarra na ang mga pulis ay nakatalaga rin sa iba pang regular na police functions. “Hundred eighteen of Police Station 3 participated in our SONA deployment and then 51 of them were tested positive,” ani Yarra.
Comments