ni Lolet Abania | June 1, 2021
Target na matapos ngayong buwan ang mahigit sa 500 kilometro ng bike lanes na isinasagawa sa Metro Manila, Metro Cebu at Metro Davao, ayon sa isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr).
Ito ang kinumpirma ni Assistant Secretary Steve Pastor sa ginanap na motu proprio investigation ng House Committee on Transportation hinggil sa pagkaantala umano ng konstruksiyon ng proyektong bicycle lanes ngayong Martes.
Ayon kay Pastor, may kabuuang P1.3 bilyong pondo ang inilaan ng gobyerno para sa pagsasaayos ng pedestrian at pagpapatayo ng bicycle lanes sa ilalim ng Bayanihan 2.
Paliwanag ni Pastor, sa nasabing pondo, P1.1 bilyon ang ilalaan para sa bike lanes habang ang natitirang P200 milyon ay ilalaan naman para sa tinatawag na bike sharing stations.
Kinuwestiyon naman ni Samar Representative Edgar Mary Sarmiento, ang panel chairperson, si Pastor kung kailan ang target na petsa ng DOTr para makumpleto ang mga bicycle lanes.
“Magkakaiba po. Para po sa Cebu, matatapos na po ito by June 15. Para po sa Davao, ganoon din po, sa June 15... Para po sa National Capital Region, June 30 po,” ani Pastor.
Sinabi ni Pastor na ang planong haba at layo ng bike lane network sa nabanggit na mga lugar ay ang mga sumusunod:
• Metro Manila - 338.53 kilometers
• Metro Cebu - 129.65 kilometers
• Metro Davao - 54.51 kilometers
Tinanong ni House Minority Leader Joseph Stepen Paduano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kung kayang matapos sa target date ng DOTr ang isinasagawang bike lanes, lalo na sa Metro Manila.
Positibo naman ang naging tugon ni DPWH-NCR Director Eric Ayapana na ito ay matatapos sa oras.
Samantala, magsasagawa ang mga miyembro ng nasabing komite ng actual site inspection sa mga bike lanes sa Metro Manila.
تعليقات