ni Mary Gutierrez Almirañez | April 13, 2021
Dalawampung milyong doses ng Sputnik V COVID-19 vaccines ang binili ng ‘Pinas sa Russia Gamaleya Institute at inaasahang darating na sa bansa ngayong Abril ang paunang 500,000 doses na nakalaan para sa mga senior citizens, ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr..
Aniya, "Puwede po siyang gamitin po sa elderly, so from 18 and above. So 'yun po ang gagamitin namin at 'yun po ang maganda dahil at least in the absence of AstraZeneca… Considering na ang nakikita natin na maganda ang production ng Russia and at the same time, they are supporting only the developing countries.”
Sa kabuuang bilang ay 3,025,600 doses ng bakuna na ang dumating sa bansa, kung saan 2,500,000 ay mula sa Sinovac at ang 525,600 ay galing sa AstraZeneca.
Tiniyak naman ni Galvez na darating ‘on time’ ang 20 million doses ng Sputnik V sa loob lamang ng apat na buwan. Nilinaw din niyang mapipirmahan na ngayong linggo ang supply agreement upang masimulan ang distribusyon.
Sa ngayon ay 1,007,356 indibidwal na ang nabakunahan ng unang dose kontra-COVID-19, habang 132,288 naman ang nakatanggap na ng second dose.
Sa kabuuan, tinatayang umabot na sa 1,139,644 ang lahat ng nabakunahan sa bansa o mahigit 0.19% na target mabakunahan ng Department of Health (DOH).
Comentários