top of page
Search
BULGAR

5-Year strategic plan ng SC, para sa mas maayos, mabilis at patas na paghatol

ni Fely Ng @Bulgarific | July 10, 2022





Hello, Bulgarians! Mas maayos, mabilis, parehas at walang kinikilingang paghatol at lantad sa publikong paggawad ng hustisya. Ilan lamang ito sa nilalaman ng inilabas na 5-taong plano ng Korte Suprema sa layuning makapaggawad ng napapanahon, matapat at bukas sa madlang paghatol at pagkakaloob ng katarungan.


Ang plano na pinamagatang “Strategic Plan for Judicial Innovations (SPJI) 2022-2027” ay naglalayong lutasin ang matagal nang problema sa hudikatura sa pamamagitan ng mga bagong gawain sa mas mabuting serbisyo na magbubunga ng mas malawak na pagkakamit ng hustisya sa lahat. Lulutasin sa SPJI ang mga problema tulad ng matagal na pagkabinbin ng mga kaso, nagtambak na ‘di naaksyunang mga kaso, at kakulangan ng iba’t ibang pangangailangan ng hukuman. Nagdudulot ang mga ito, ayon sa Korte Suprema ng dahilan ng mabagal na sistema at gawain sa mga hukuman.


Ayon sa SPJI, problema rin ang malaking kakulangan ng nakatatag na hukuman, mga gabay at alituntunin sa pamamaraan na nagpapahintulot sa mahabang proseso sa pagdinig sa mga kaso, mabagal na galaw at pagtupad, kapabayaan o kaya ay kapos sa kakayahan ng mga kawani ng hukuman. Binanggit din ng SPJI ang pakiramdam ng publiko na may nagaganap na korupsyon sa mga hukuman, at ito ay tututukang maresolba ng Kataas-taasang Hukuman.


Sinisimulan na ring itayo ang “eCourt System Version 2.0.” na gagamitin para sa mabilis na transaksyon sa mga hukuman tulad ng pagrerekord ng mga kaso, bayarin, rapol at mga kalendaryo sa mga pagdinig at gawain sa mga hukuman.


Magpapatupad din ang SC, ayon sa SPJI ng tulong legal, data base para sa libreng payong legal at muling pag-aaral sa ipinatutupad na Enhanced Justice on Wheels program. Palalakasin din ang Shari’ah justice, sabi ng SPJI, at gagawin ito sa pag-oorganisa at pagbubuo ng operasyon sa 56 Shari’ah court sa bansa.


Plano ring rebyuhin ang bumubuo ng komite ng Shari’ah at suriin ang sistema ng Shari’ah justice, at dagdag dito, palalakasin ang legal Shari’ah legal education system.


“The realization of the objectives of the SPJI is imperative in ensuring the attainment of the goal to ‘remold and transform the courts into consistently efficient and accountable havens for the disadvantaged, the wronged, and the injured’,” pahayag ni Chief Justice Alexander Gesmundo.


 

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

0 comments

Recent Posts

See All

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page