ni Hiraya - @No Problem| December 20, 2020
Dahil ibang-iba ang 2020, napakarami nating adjustment. Marami ring mga aktibidad at tradisyon ang hindi natin nagawa dahil hindi pa safe.
At ngayong Kapaskuhan, bawal pa rin ang mass gathering para iwas-hawaan, kaya for sure, “virtual party” na lang muna ang ganap ng karamihan sa atin.
Pero ang tanong, paano naman ito gagawin? Worry no more dahil narito ang ilang tips para first-ever virtual party ninyo:
PUMILI NG TEMA. Bukod sa pula at berde, marami pang kulay na puwedeng gamitin bilang tema sa inyong virtual party. Gayunman, puwede ring gumawa ng tema base sa paborito ninyong holiday movie. Dahil first time ito, pumili muna ng madali at komportableng tema na swak sa personality ninyong magkakaibigan o pamilya.
MAGPADALA NG IMBITASYON. Pagkatapos pumili ng tema, magpadala ng imbitasyon sa iyong guests. Make sure na maganda at mapapa-“wow” ang makatatanggap nito para sure na hindi sila tatanggi. He-he-he!
MAGHANDA NANG MAAGA. Para iwas-stress at hindi magahol sa oras, puwedeng-puwede kang maghanda nang isa o dalawang araw bago ang virtual party. Halimbawa, kung magluluto para sa pamilya, ihanda na ang mga rekado o kagamitang kailangan para tuluy-tuloy ang pagkilos at hindi maabala ang party.
HOLIDAY PLAYLIST. Ang paghahanap at pamimili ng music para sa party ay isa sa mga pinaka-chill na gawain. Ang paggamit ng holiday playlist o music ay makatutulong para ma-set ang mood ng party kahit hindi kayo magkakasama.
HUMINGI NG TULONG. Akala natin, madali lang itong gawin dahil hindi kailangang maglinis ng bahay, magluto para sa mga bisita at kung anu-ano pa, kaya feeling natin ay hindi kailangang humingi ng tulong sa iba. Pero kung hindi ka gaanong techy o maalam sa mga teknikal na bagay, oks lang naman humingi ng tulong sa iyong kapamilya o kaibigan para maging successful ang ganap na ito.
Oh, mga beshies, may time pa kayo para mag-isip at mag-imbita. Make sure na gagawin n’yo ang tips na ito para iwas-stress ang inyong kauna-unahang virtual party. Copy?
Comments