ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 25, 2021
Humingi ng paumanhin si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez sa pamilya ng vendor na bayolenteng hinuli ng mga miyembro ng city task force sa isinagawang clearing operations kamakailan.
Pahayag ni Olivarez, “Gusto ko lang pong humingi ng paumanhin sa pamilya ni Warren (Villanueva), hindi po talaga ‘yun ang protocol ng ating city.
“Kung sino po ‘yung nagkasala, sasagutin po nila ‘yun.”
Nag-viral sa social media ang video kung saan makikitang gumamit ng puwersa at dahas ang mga miyembro ng Parañaque City Task Force matapos tumanggi ang vendor na ibigay sa kanila ang kanyang kariton.
Saad ni Olivarez, “Ibinalik po sa kanya, hindi po kinuha ‘yung kariton. Ang hindi lang maganda, nasaktan po si Warren.
“Nasa Baclaran po siya, he’s alright but siyempre, nandu’n pa rin ‘yung takot sa kanya, ‘yung anxiety, nandu’n po sa kanya ru’n sa pangyayari.”
Ayon din kay Olivarez, suspendido na ang limang task force personnel na sangkot sa bayolenteng paghuli sa naturang vendor at maaari ring humarap sa termination at kasong administratibo dahil sa paggamit ng “excessive force.”
Saad ni Olivarez, "Hindi lang po termination, kundi magkakaroon po sila ng administrative case na ipa-file ng ating city.”
Samantala, ayon kay Olivarez ay ikinabigla rin niya ang insidente.
Aniya, “Naka-trained po sila, eh, kaya ito pong insidenteng ito, ako po’y nabigla kasi for the past five years na nag-i-implement po kami, wala kaming incident na ganito ‘yung nangyari.
“Sumusunod po sila sa ating protocol, ‘yung ating guidelines na hindi pupuwedeng gumamit ng force, ang kailangan ay maximum tolerance at bago magpaalis ng mga kariton ng vendors, binibigyan muna sila ng notice at voluntarily na tatanggalin nila ‘yung obstruction sa kalsada.”
Malinaw din umanong nagkaroon ng "abuse of authority" sa ginawa sa vendor na si Warren.
Pahayag ni Olivarez, "Makikita natin sa video na hindi tama ‘yung ginawa ng task force kay Warren... Kitang-kita 'yung nangyari kay Warren: pinadapa sa kalsada, merong 5 task force members doon, binigyan pa ng posas at meron pang sumibat sa mukha. We will not tolerate this one.”
Comments