ni Jenny Rose Albason @Lifestyle | June 4, 2024
Minsan ba ay naiisip mo nang mag-travel mag-isa?
Maraming benefits ang pagta-travel, tulad ng makakapag-explore ka sa new places nang hindi kinakailangan maghintay o humabol sa mga kasama mo. Hindi mo rin kailangan mag-adjust sa mga schedule ng iba. Plus, magkakaroon ka rin ng time para sa iyong sarili.
Normal lang naman na makaramdam ka ng kaba at discomfort sa tuwing maiisip mong bumiyahe mag-isa.
Kaya naman, narito ang ilang paraan para maging safe habang nagta-travel:
I-SHARE ANG TRAVEL PLANS SA PAMILYA AT KAIBIGAN. I-send mo ang iyong travel itinerary, hotel reservation information at mga detalye sa iyong pamilya o mga kaibigan.
Gayundin, ipaalam mo rin sa staff ng hotel, kung saan ka pupunta at kung kailan ka babalik. Para naman manatiling konektado sa mga kaibigan at pamilya, i-check mo ang iyong smartphone provider upang matukoy kung ano ang mga kakailanganin mo sa iyong travel destination.
GUMAWA NG EMERGENCY PLAN. Ideally, hindi ka naman mahaharap sa anumang medical issue, aksidente o robbery habang nagta-travel. Gayunman, mas mabuti nang handa kung may mangyaring hindi maganda.
Siguraduhing may malapit na ospital, police station at iba pang emergency facilities bago bumiyahe. Kung plano mo namang mag-travel internationally, magandang ideya na mag-aral ng emergency phrases sa mga local language para madali kang makahingi ng tulong kung kinakailangan.
Bumisita ka rin sa iyong doktor o travel clinic bago ka umalis upang makatiyak na mabibigyan ka ng mga tamang gamot.
Kapag nag-iimpake, magdala ng supply ng anumang prescription drugs na kailangan mo, tulad ng face mask, hand sanitizer at mga bagay upang maprotektahan ang iyong sarili mula sa mga lamok at iba pang mga peste na maaaring magdala ng sakit.
I-SECURE ANG MAHAHALAGANG GAMIT. Dalhin lang ang mahahalagang bagay kapag magta-travel – katulad ng cellphone, credit cards, cash, ID at kopya ng iyong passport. Itago ito sa isang secure na bag na makikita mo anumang oras.
MAG-RESEARCH AND CHOOSE WISELY. Alamin ang pinakaligtas na lugar sa iyong pupuntahan at kung mayroong anumang mga lugar na dapat mong iwasan. Alamin rin ang mga pinakaligtas na rutang dadaanan.
Kapag nakapag-check in ka, panatilihin mong naka-lock ang iyong pinto, at huwag mong bubuksan ang pinto kung wala kang inaasahang hotel staff o visitors.
KUMUHA NG TRAVEL INSURANCE. Protektahan ang iyong sarili, at ang investment na ginawa mo sa iyong trip, mula sa mga hindi inaasahang pangyayari.
Ang trip cancellation at interruption insurance ay maaaring makatulong sa pagbabayad sa iyo para sa mga covered losses tulad ng lagay ng panahon, natural disasters, sakit at iba pang isyu.
Ang iba pang travel insurance policies ay maaaring makatulong na protektahan ka mula sa hindi inaasahang medical at evacuation expenses, pati na rin ang pagkaantala sa bagahe, pagnanakaw at iba pa.
Ilan lamang ‘yan sa mga paraan upang maging ligtas ang ating out-of-town adventures.
Ngayon naman, aking ibabahagi ang dos and don’ts na ‘di dapat natin kalimutan.
Iwasang magpakalasing at iwasang sumama sa mga hindi mo kakilala.
Maging alerto sa iyong paligid kahit na ikaw ay naglalakad o nagmamaneho.
Kung may kahina-hinala kang napapansin, pumunta sa isang restaurant o pumunta sa lugar na maraming tao.
Kapag may nagtanong kung ikaw ba ay mag-isa lang, sabihin mo na makikipagkita ka sa iyong asawa, kamag-anak o kaibigan.
Kaya mga Ka-BULGAR, huwag mong hayaan na manaig ang iyong takot ‘pag magta-travel mag-isa. Oki?
Yes, ang pag-travel mag-isa ay maaaring makatulong sa iyo upang makaalis ka sa comfort zone. Pero, lagi nating tatandaan na magplano muna bago lumarga para maging masaya ang travel experience. Gets mo?
Comments