ni Mary Gutierrez Almirañez | February 19, 2021
Patay ang umano'y limang holdaper at isa ang nakatakas matapos makaengkuwentro ang pinagsanib- puwersang mga pulis mula sa Camp Crame, Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP HPG) at District Special Operation Unit (DSOU) sa Quezon City nitong Pebrero 18 nang gabi.
Ayon sa ulat, hinoldap ng anim ang gasoline station kung saan kasalukuyang nagpapakarga ng gasolina ang isang pulis na taga-Crame. Nang hulihin niya ang mga holdaper ay inagaw ng isa ang shotgun sa guwardiya at nagsimulang magpaputok.
Habang hinahabol ng pulis na taga-Crame ang mga tumatakas na holdaper ay nakita niyang nagpapatrolya ang mga tauhan ng PNP HPG. Kaagad tumulong ang grupo nang malamang mga holdaper ang hinahabol ng pulis.
Sakto rin namang nagsasagawa ng surveillance ang DSOU ng Quezon City Police District (QCPD) nang mangyari ang habulan.
Sa Barangay Pingkian, Pasong Tamo, Quezon City na-corner ang mga holdaper.
Sa ngayon ay patuloy na pinag-aaralan ng Scene Of Crime Operations (SOCO) ang engkuwentro sa pagitan ng DSOU ng QCPD, PNP HPG at mga hinihinalang holdaper.
コメント