ni Lolet Abania | June 29, 2022
Ibabalik ang limang lugar sa National Capital Region (NCR), na naunang idineklara bilang moderate risk sa COVID-19, at ibaba sa low risk kasunod ng rebisyon ng metrics para sa pagtukoy ng risk case classification sa isang lugar, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa Laging Handa briefing ngayong Miyerkules, iginiit ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na binago ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang matrices na gagamitin para sa Alert Level System at inalis ang two-week growth rate sa pagtukoy ng case-risk classification.
Dahil dito, ayon kay Vergeire, ang Pasig, San Juan, Quezon City, Marikina, at Pateros ay ide-deescalate sa low risk sa kabila na ang mga ito ay nakapag-record na ng mahigit 200% growth rate nitong Sabado.
“Mapupunta po sila ulit sa low risk dahil ‘yung kanilang average daily attack rate ay hindi pa lumalagpas ng 6 at saka ‘yung kanilang healthcare utilization naman is less than 50%,” pahayag ni Vergeire.
“Mas importante ho sa ’ting lahat ang mga naoospital, ang pagkapuno ng mga ospital, at saka ang severe at critical cases,” dagdag ng opisyal. Ayon sa DOH, ang isang lugar ay ikaklasipika bilang moderate risk, base sa kanilang hospital utilization na above 50%, at average daily attack rate (ADAR) ng tinatayang 6 average cases kada araw sa bawat 100,000 populasyon.
Habang ang isang lugar naman ay isasailalim sa low risk, kung may hospital utilization na below 50% at ADAR ng mas mababa sa 1 sa bawat 100,000 populasyon. Ang NCR ay isasailalim sa Alert Level 1 mula Hulyo 1 hanggang 15 sa gitna ng pagtaas ng COVID-19 infections sa rehiyon.
Sa ilalim ng Alert Level 1, ang intrazonal at interzonal travel ay pinapayagan para sa anumang edad at comorbidities. Lahat ng establisimyento, mga indibidwal, o mga aktibidad, ay pinapayagan din na mag-operate, magtrabaho, o ipatupad ang full on-site o venue/seating capacity subalit dapat patuloy na isinasagawa ang minimum public health standards.
Comments