ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 30, 2020
Namayani si world no. 6 Dustin Johnson ng USA sa Travellers Championships na ginanap sa Cromwell, Connecticut pero hindi ito ang naging usap-usapan sa unti-unting pagbalik ng Professional Golf Asociation (PGA) Tour sa limelight.
Sa halip, bukambibig ang patuloy na pamiminsala ng COVID-19 sa prestihiyosong golf tour matapos na umakyat sa tatlo ang bilang ng mga parbusters na naging COVID-19 positive samantalang sumampa naman sa lima ang mga manlalaro sa naturang kompetisyon na kumalas na sa paglalaro dahil sa coronavirus.
Nakumpirmang kinapitan na ng naturang virus si Denny McCarthy kaya ang Amerikanong golfer na ang pangatlong biktima sa torneo. Ang unang dalawang golfers na nasa kaparehong kalagayan ay sina Cameron Champ (nadiskubre matapos ang pre-tournament screening sa Travellers Championships) at Nick Watney (lumabas ang resulta habang naglalaro sa RBC Heritage).
Bukod kay Champ, wala na rin sa eksena sa palaruan ng TPC River Highlands sina Brooks Koepka, Webb Simpson, Graeme McDowell at Chase Kopeka ang pakikipagtunggali sa kompetisyon dahil sa mga rasong may kaugnayan sa nakamamatay na virus. Ang mga caddie nina Brooks Koepka at ni McDowell ay pareho ring naging COVID-19 positive.
Kasalukuyan na ring binabago ng pamunuan ng PGA Tour ang mga testing protocols nito para lalong makontrol ang paglaganap ng virus.
Sa kabilang dako, si Ken Comboy, nagsisilbing caddie ni Graeme McDowell sa PGA Tour pa rin, ay kumpirmado na ring apektado ng COVID-19. Dahil dito, nagdesisyon na rin si McDowell na kumalas mula sa tunggalian upang i-quarantine ang kanyang sarili mula sa kanyang pamilya sa Florida.
Sa Asya, nanumbalik na rin ang spectator-less na Japan Ladies Professional Golf Association sa mga palaruan. Kasama sa mga kalahok ang Pinay na si Yuka Saso. Sa Pinas naman, tahimik pa ang mga golf courses.
Comentaris