ni Lolet Abania | November 14, 2021
Patay ang limang bata habang dalawa pa sa isang pamilya ang nasugatan matapos ang naganap na landslide sa Illigan City, Lanao del Norte ngayong Linggo.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang pagguho bandang alas-6:00 ng umaga sa Purok 2, Sitio Sawsaw, Taparak, Barangay Mandulog, kung saan walong bahay malapit sa ilog ang naapektuhan.
Kinilala ni Mandulog Barangay Captain Abungal Pagsidan Cauntongan ang mga biktima, lahat sila ay pamilya Barulan na sina Shemabel, 7-buwan-gulang; Trishamae, 3; John Kent, 6; Sean, 4 at CJ Barulan, 8-anyos.
Sugatan naman ang mag-asawang sina Sheila Mae Barulan, 26 at Jessie Barulan 24 dahil sa landslide.
Sinabi ni Cauntongan, walong kabahayan ang nawasak habang ang tirahan ng mga Barulan ang natabunan nang husto ng lupa.
Ayon kay Iligan City Police Office spokesperson Police Major Zandrex Panolong, naganap ang landslide matapos ang walang humpay na malalakas na buhos ng ulan sa Iligan City, kung saan labis na naapektuhan ang mga bahay na malapit sa ilog.
Sinabi rin ni Panolong na maaga pa nang mangyari ang insidente, kaya nasa loob ng bahay at natutulog pa ang lahat ng miyembro ng pamilya Barulan.
Agad na humingi si Cauntongan ng assistance mula sa lokal na pamahalaan para sa clearing operation at para na rin sa pagbabalik ng power supply sa naturang lugar.
Comments