ni Lolet Abania | January 5, 2022
Nasa tinatayang 5.7 milyong kabataan na edad 12 hanggang 17 sa Pilipinas, ang fully vaccinated na laban sa COVID-19, habang patuloy ang gobyerno sa pagsugpo sa nakahahawang sakit.
“We are good to report na ang vaccination po natin sa mga minors, particularly ‘yung 12 to 17, eight million na po ang nakakuha ng first dose at 5.7 million ang nakakuha po ng second dose,” sabi ni vaccination chief Carlito Galvez Jr. kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang pulong nitong Martes na ipinalabas naman sa telebisyon ngayong Miyerkules.
Ayon kay Galvez, sunod namang tututukan ng mga awtoridad ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga kabataan na nasa edad 5 hanggang 11.
Sinabi rin ng kalihim na nakikipag-ugnayan na siya kay Philippine ambassador to the US Jose Manuel “Babe” Romualdez upang mapabilis ang delivery ng mga Pfizer vaccines para sa naturang grupo ng mga kabataan.
Sa kabuuan nasa 50.6 milyon Pilipino na ang fully vaccinated, ayon pa kay Galvez.
Comments