ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 28, 2023
Walang duda na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay may malaking kontribusyon sa pagsugpo ng kahirapan sa ating lipunan. Ang 4Ps ay isang kilalang conditional cash transfer program ng ating pamahalaan para pinakamahihirap nating mga kababayan.
Isa sa mga kondisyon para sa mga maralitang pamilyang Pilipino upang sila ay makatanggap ng cash grants ay ang pagpasok ng kanilang mga anak sa eskuwelahan na magkaroon ng regular health check-ups, mamo-monitor ang kanilang paglaki, at makatanggap ng mga bakuna.
Nakakalungkot isipin na bagama’t lubos ang pasasalamat ng Pamilya Ribo ng Rizal sa 4Ps, ang kanilang alaala tungkol dito ngayon ay nalalambungan ng lungkot. Ang miyembro ng pamilya na si Rizza Mae Ribo, na binawian ng buhay sa murang edad dahil sa Dengvaxia vaccine.
Sa kanilang salaysay, “Bago siya mabakunahan ay nasabihan kami na dahil umano miyembro kami ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay awtomatikong kasali kami sa malawakang pagbabakuna kontra dengue. Kahit na hindi naipaliwanag sa amin ang epekto ng nasabing bakuna, patuloy pa rin nilang binakunahan ang aming anak. Wala rin kaming consent form na pinirmahan. Napakalungkot ang mawalan ng anak, lalo pa at iniisip namin na dala marahil ng kakulangan namin sa pera na mapabilang sa 4Ps ay napasama pa ang aming anak. Sa kakapusan din namin ay hindi namin agad naagapan ang sakit ng aming anak. Masakit para sa amin ang pinagdaanan niya subalit hindi namin siya nabigyan ng lunas.”
Si Rizza Mae, 16, ay namatay noong Hunyo 2, 2021. Siya ang ika-165 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki, at pagdurugo ng lamang-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}. Siya ay sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, matapos na hilingin ito ng kanyang mga magulang. Si Rizza Mae ay naturukan ng Dengvaxia ng tatlong beses; una noong Hunyo 28, 2016; pangalawa noong Disyembre 8, 2016 at pangatlo noong Agosto 10, 2017 sa kanilang eskuwelahan sa Rizal.
Pagkatapos ng kanyang unang pagbabakuna, nagreklamo siya na sumasakit ang kanyang ulo at nahihilo. Nagtagal ito ng dalawang linggo at nawala rin naman. Binigyan siya ng kanyang ina ng paracetamol. Matapos ang kanyang pangalawang pagbabakuna ay nagreklamo siyang sumasakit ang kanyang mga paa at nanlalambot ang kanyang tuhod. Dinala siya ng kanyang pamilya sa ospital upang patingnan siya. Binigyan siya ng vitamins, ngunit hindi nawala ang pananakit ng kanyang mga paa. Naapektuhan na rin ang kanyang paglalakad dahil sa panlalambot ng kanyang mga paa.
Ang mga petsang Agosto 13, 2017; Pebrero 15, 2021; Marso 2, 2021; at Hunyo 2, 2021 ay nakatatak sa isipan ng Pamilya Ribo na bahagi ng trahedyang pinagdaanan ng kanilang anak:
Agosto 13, 2017 - Tatlong araw matapos ang kanyang pangatlong bakuna, nagsuka siya ng puro laway. Nahihilo rin siya at masakit ang kanyang ulo. Binigyan siya ng kanyang mga magulang ng vitamins at nawala ang kanyang pagkahilo. Ipina-check-up si Rizza at binigyan ng gamot para rito subalit hindi umano nawala ang mga sakit na nararamdaman niya. Pabalik-balik sila sa clinic, kaya lang ay hindi nawawala ang kanyang mga nararamdaman. Dahil sa patuloy na paglala ng kanyang sakit na nararamdaman, sinabihan sila na isailalim si Rizza Mae sa CT scan, pero sa kasamaang palad ay hindi siya napa-CT scan ng kanyang mga magulang dahil sa hirap ng buhay. Pinapainom na lang siya noon ng mga gamot na puwedeng ipainom sa kanya tuwing siya ay dadaing ng pananakit ng ulo, pagkahilo at pananakit ng paa. Hanggang sa nagka-pandemya na at hindi na siya nadala pa sa doktor para ipa-check-up. Dinala siya sa ospital at doon ay nalamanvna mayroon diumano siyang Urinary Tract Infection (UTI). Hindi nawala ang kanyang nararamdaman, subalit hindi siya nagawang ipa-CT scan dahil walang kakayahan ang kanyang mga magulang para ro’n.
Ayon kay Gng. Vilma: “Patuloy siyang nagrereklamo sa sakit na kanyang nararamdaman, subalit binibigyan ko lamang siya ng gamot na inireseta sa kanya sa tuwing siya ay nagrereklamo ng pananakit ng ulo at paa. Tiniis namin ang pinagdaanan ng aming anak dahil wala naman kaming kakayahan na ipagamot siya at gawin ang sinasabi nilang MRI at CT-Scan.”
Pebrero 15, 2021 - Mayroong nag-magandang loob na tumulong sa Pamilya Ribo na mapa-CT-scan si Rizza Mae, at napag-alaman na mayroon diumano siyang Cerebellar Cystic Mass. Kaya pinayuhan silang isailalim siya sa MRI.
Marso 2, 2021 - Isinailalim siya sa MRI, at ang resulta ay mayroon diumano siyang bukol sa ulo.
Hunyo 2, 2021 - Nagpatuloy ang masamang nararamdaman niya kahit na siya ay dinadala sa ospital, hanggang sa bumigay na ang kanyang katawan sa sakit na dumapo sa kanya. Nilisan na niyang tuluyan ang mundong ito.
Salaysay ng mag-asawang Ribo: “Malaki ang paniniwala namin na ang Dengvaxia vaccine ang sanhi ng pagkamatay niya dahil ang kanyang mga nararamdaman ay parehas ng mga naramdaman ng mga batang katulad niyang nabakunahan at namatay din. Hindi rin siya nagkaroon ng dengue bago siya maturukan. Malakas at malusog na bata si Rizza Mae, nagsimula lamang ang hindi magandang kalusugan niya noong siya ay maturukan ng Dengvaxia. Wala ni isa sa mga anak namin ang nagkasakit katulad niya.”
Ang kahirapan at kawalan ng katarungan ay kambal na pasanin na nagpapabigat sa balikat ng mga Pilipino. Ito ay isang pasanin na nais ng bawat biktima na maibsan. Maiibsan lamang ito kapag nakamit na ang hangad na hustisya. Ang aming Tanggapan ay patuloy na nagpupunyagi na maging bahagi ng solusyon sa pagharap sa mga suliraning ito ng ating bayan, lalo na sa maghahanap ng katarungan ng ating mga kababayan, katulad ng Pamilya Ribo at katulad nilang mga biktima.
Bình luận