ni Lolet Abania | March 2, 2022
Umabot sa kabuuang 4,315 paaralan sa buong bansa ang nakiisa sa tinatawag na “progressive expansion” phase ng face-to-face classes sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon sa Department of Education (DepEd).
Sa Laging Handa briefing ngayong Miyerkules, ini-report ni DepEd Secretary Leonor Briones na may 6,213 eskuwelahan sa buong bansa ang handa nang sumali sa limitadong in-person classes, kung saan napapailalim ang mga ito sa pamantayang itinakda ng DepEd.
Sa 4,315 paaralan na umabot sa kanilang pamantayan, mayroong 4,239 public and 76 private schools ang nakiisa sa pilot in-person classes hanggang nitong Marso 1, matapos na ang National Capital Region (NCR) at 38 pang mga lugar ay isinailalim na sa Alert Level 1.
Gayunman, kahit na nagbukas na uli ang mga paaralan sa F2F classes, sinabi ni Briones na mananatiling ipatutupad ang blended learning para magawang maka-adapt ng mga bata sa mga teknolohiyang umiiral.
“Hindi na kagaya nu’ng unang panahon na mostly face-to-face. Ito ngayon, ‘di natin bibitiwan ang digital technology, ang science, ang mathematics, and so on, but meron talagang face-to-face component dahil mahalaga ‘yan sa pag-socialize at pagturo ng bata. Pareho silang importante para tayo makahabol and will be on par with the other countries,” paliwanag ni Briones.
“If you mean full face-to-face na anim, walong oras na ang teacher at mga bata nagkakaharap, hindi ‘yan posibleng mangyayari. Lahat na bansa na binabantayan namin, lalo na na ‘yung mga bansa na bilib na bilib talaga tayo, wala na ‘yung nation na full face-to-face. May blended component talaga,” sabi pa ng opisyal.
Binigyan-diin naman ng kalihim, na umaasa sila ng pagkakaroon ng 100% attendance ng mga estudyante anumang uri ng pagtuturo mapa-blended, online o physical classes.
Para sa face-to-face classes, ayon kay Briones, iminumungkahi nila na gawin na lamang itong half day o kalahating araw para maiwasan ng mga bata ang pagkain-kain at magdagdag ng panganib ng COVID-19 infections.
Matatandaan nitong Pebrero, inawtorisa ng DepEd ang lahat ng regional directors na simulan ang “progressive expansion” phase ng F2F classes para sa public at private schools, kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng DepEd na palawigin ang in-person classes sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2 at pababa.
Comments