ni Lolet Abania | March 22, 2022
Nag-isyu na ng show cause order si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa 48 local government units (LGUs) dahil sa kanilang mabagal na distribusyon ng cash aid para sa mga Typhoon Odette survivors.
Sa Talk to the People na ipinalabas ngayong Martes, sinabi ni Año na ang mga naturang LGUs ay hiningan ng paliwanag kung bakit hindi pa nila nakukumpleto ang pamamahagi ng financial assistance.
“Ang ginawa rin po natin sa mga LGUs na medyo mabagal ang pagbibigay ng ayuda ay pinadalhan natin ng show cause orders. Ito po ay umaabot sa 48 LGUs,” saad ni Año.
Ayon sa opisyal, 16 sa mga LGUs ay mula sa Eastern Visayas, 16 sa Western Visayas, 13 sa Central Visayas, at tatlo mula naman sa Mimaropa.
Sinabi naman ni Año na nasa 85.52% o P4,151,590,324 ng cash aid funds na P4,854,356,000 ay naipamahagi na sa 4,010,092 na mga benepisyaryo.
Base sa kanilang latest report, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hanggang nitong Pebrero 21, ang naiulat na nasawi ay 405 habang 52 ang nananatiling nawawala matapos na ang Bagyong Odette ay humagupit sa bansa noong Disyembre ng nakaraang taon.
May kabuuang 10,607,625 katao o 2,991,586 mga pamilya ang naapektuhan sa naturang bagyo mula sa tinatayang 10,264 mga barangay.
Nasa tinataya namang 2,031,824 mga bahay ang napinsala, kung saan 1,585,252 ang bahagya at 446,572 totally ang winasak ni Odette. May kabuuang P29,338,185,355 halaga ng napinsala sa imprastraktura at nasa P17,748,148,271 sa agrikultura, ayon pa sa report.
Comments