ni Lolet Abania | March 18, 2021
Isang dormitoryo sa Quezon City na ginamit ng manning agency ang isinailalim sa special-concern lockdown matapos magpositibo sa COVID-19 test ang 43 residente nito.
Sa inisyal na report, anim na residente lamang na nasa Barangay Roxas District dormitory ang nagpositibo sa test sa coronavirus. Subalit nang magsagawa ang Quezon City health officials ng test sa lahat ng 130 dorm residents, lumabas na 36 na iba pa ang positive sa virus.
"Kung nagsabi sila agad sa atin, naipa-monitor agad natin ang mga tao doon, na bigyan sila ng karapatang paggagamot at saka ‘yung quarantine, nagawa natin agad," ani Bgy. Chairman Dr. Carmela Gotladera. "Ang dating, parang no intention of reporting," dagdag ng kapitana.
Gayunman, ang mga nadiskubreng bagong COVID-19 cases ay mga asymptomatic at nananatiling naka-quarantine sa dormitory. Ang mga nagpakita naman ng sintomas ay nai-transfer na sa quarantine facilities.
Habang naghihintay ang ibang residente ng resulta ng kanilang COVID-19 tests, pinag-aaralan na ng mga opisyal na palawigin ang lockdown sa dormitoryo hanggang 14 na araw.
"This could have been avoided kung nagpa-follow sila ng minimum health protocol na ipinapasunod sa ating lahat," ani QC Epidemiology and Surveillance Unit head na si Dr. Rolly Cruz.
"So, obviously, meron silang kapabayaan sa kanilang ginagawang set-up sa kanilang agency," dagdag ni Cruz.
Wala namang ibinigay na pahayag at komento ang manning agency.
Comments