ni Eli San Miguel @Overseas News | Nov. 22, 2024
Photo: Injured sa shooting incident - AP / Dilawar Hussain
Pinagbabaril ng mga armadong lalaki ang mga sasakyang may sakay na mga Shiite Muslim sa hilagang-kanluran ng Pakistan nitong Huwebes, na nagresulta sa pagkamatay ng hindi bababa sa 42 katao.
Kabilang sa mga nasawi ang anim na babae, at pagkasugat ng 20 iba pa, ayon sa ulat ng pulisya. Isa ito sa mga pinakamadugong pag-atake sa rehiyon sa mga nakalipas na taon. Ayon kay Aftab Alam, isang ministro ng lalawigan, 42 katao ang nasawi sa pag-atake, at kasalukuyang iniimbestigahan ng mga opisyal kung sino ang nasa likod nito.
Naganap ang pag-atake sa Kurram, isang distrito sa lalawigan ng Khyber Pakhtunkhwa, kung saan ang mga sagupaan sa pagitan ng mga Sunni Muslim na karamihan sa populasyon at mga Shiite na minorya ay nagresulta sa pagkamatay ng dose-dosenang tao sa mga nakalipas na buwan.
Walang agad na umako ng responsibilidad para sa pinakahuling pag-atake.
Nangyari ito isang linggo matapos muling buksan ng mga otoridad ang isang mahalagang highway sa rehiyon na matagal nang isinara dahil sa mga nakamamatay na sagupaan.
Comments