ni Eli San Miguel - Trainee @News | January 23, 2024
Inaasahang palalayain ng Bureau of Corrections (BuCor) ang halos 400 na mga persons deprived of liberty (PDLs) hanggang Enero 31, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Sinabi ni DOJ Undersecretary Margarita Gutierrez na bahagi ang malaking bilang ng mga PDL na ilalabas sa patuloy na pagsusumikap ng pamahalaan na maibsan ang siksikan ng mga bilangguan nito.
“Ilan sa mga hakbang ng BuCor upang mapabilis ang pagpapalaya sa mga PDLs at maibaba ang congestion rate sa mga piitan ay ang probisyon ng serbisyong legal, paggamit at pagpapalakas ng single-carpeta system at pag-amyenda sa Rules of Parole and Executive Clemency,” paliwanag niya.
Binigyang-diin din niya na, “aabot na sa 9,228 persons deprived of liberty ang napalaya ng Bureau of Corrections sa ilalim ng Marcos administration bilang bahagi ng decongestion program ng pamahalaan.”
“Kabilang sa mga nakalaya ay mga acquitted, nakapagsilbi na ng kanilang sentensiya, at nagawaran ng parole at pardon,” aniya.
Sinabi niya na pinalaya ang 5,856 na Persons Deprived of Liberty (PDLs) noong 2023 at 3,372 PDLs na inilabas mula Hulyo hanggang Disyembre ng 2022.
Comments