ni Lolet Abania | September 11, 2021
Mahigit sa 400 doses ng bakuna laban sa COVID-19 at mga routine vaccines para sa mga bata ang nasira matapos sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag ng Municipal Health Office (MHO) ng San Nicolas, Ilocos Norte, nitong Biyernes nang gabi.
Batay sa Facebook post ng lokal na gobyerno ng San Nicolas, nasa mahigit 400 COVID-19 vaccines at mga bakuna na nakalaan sa mga bata ang nawasak, subalit wala pang detalye kung anong brand ng COVID-19 vaccine at ilang vial ang nadamay dahil sa sunog.
Ayon sa inisyal na report ng Bureau of Fire Protection ng San Nicolas, nagsimula ang sunog sa storage room o bodega kung saan naroroon ang mga medical supplies ng health office, ng alas-7:11 ng gabi habang naapula ang apoy ng alas-7:39 ng gabi.
“’Yung isang medical refrigerator na nasa storage room, nag-malfunction ang compressor nito na posibleng pinagmulan ng sunog,” sabi ni Insp. Reynold Aguinaldo, Fire Marshal ng BFP-San Nicolas.
Wala namang naiulat na nasaktan habang inaalam pa ng BFP-San Nicolas ang halaga ng pinsala matapos ang sunog.
コメント