ni Lolet Abania | August 30, 2021
Nagsagawa ng kilos-protesta ang maraming health workers mula sa St. Luke’s Medical Center (SLMC) sa Quezon City ngayong Lunes nang umaga dahil sa hindi pa pagbibigay ng kanilang COVID-19 benefits.
Tinatayang nasa 40 healthcare workers ang nagtipun-tipon sa labas ng SLMC sa Quezon City para hingin na ibigay na ang kanilang special risk allowance (SRA) at meal, accommodation, and transportation (MAT) allowance.
“Ang pakiusap namin sa publiko, humihingi kami ng suporta sa lahat kasi ‘yung ipinaglalaban namin dito, kapakanan din ng publiko,” ani SLMC QC Employees Association president Jao Clumia.
“‘Pag nawala na ‘yung ating mga healthcare workers, lalo na ‘yung mga nurses sa loob ng ospital… hindi kayo makakatapak diyan sa ER (emergency room), mamamatay kayo dahil wala na nga po, punuan na tayo,” dagdag niya.
Inaasahan din umano na ang mga health workers mula naman sa University of Santo Tomas (UST) Hospital at Lourdes Hospital ay magsasagawa rin ng katulad na protesta dahil sa hindi pagre-release ng kanilang benepisyo ngayong Lunes.
Comments