ni Gerard Peter - @Sports | October 22, 2020
Nagdesisyon ang panig ni four-time Southeast Asian Games gold medalist Kiyomi Watanabe na ipagpaliban muna ang paglahok sa mga pandaigdigang torneo na may malaking tsansa na makatulong upang mas pataasin pa ang posisyon nito sa World ranking, kasunod ng trahedyang tumama sa kanilang kapamilya na dulot ng novel coronavirus disease (Covid-19).
Inamin ng ina ng Filipino-Japanese judoka na si Irene Watanabe na nasawi ang dalawang mahal sa buhay sa Hungary, Budapest bilang mga frontliner, dahilan upang magpasya ang pamilya nito, gayundin ang sponsor niyang Toyota ADVICS na huwag muna palahukin sa IJF World Tour, partikular na sa darating na Budapest Grand Slam sa Hungary simula Oct. 23-25 at Zagreb Grand Prix sa Croatia ang 24-anyos na lady judoka champion, habang kinansela naman ng Japan ang Tokyo GP sa Disyembre.
“Ayaw muna namin, the same as dun sa sponsor niya (Toyota ADVICS), kase namatay ang tita at tito ko na doctor at nurse sa Budapest dahil sa Covid kaya may phobia pa kami, kaya ayaw naming sumugal. Titingnan na lang namin depende sa panahon at sitwasyon sa mga darating na tournaments,” pahayag ni Irene Watanabe sa panayam ng Bulgar Sports sa online na tawag.
“Ayaw namin mag-gamble. Buhay ang nakataya rito. Mag-entry na lang kami kapag safety na, tsaka wala naman kaming narinig na tulong galing sa PJF (Philippine Judo Federation), wala namang insurance ang mga athletes’ Mag-entry lang sila pero ‘di naman nila minomonitor,” dagdag nito.
Inihayag din ng Talisay, Cebu-native na sakaling magpatuloy ang hindi magandang sitwasyon sa mga pandaigdigang torneo dahil sa Covid-19, mapipilitan silang hindi na ipuwersa ang direct qualifying slot sa 2021 Summer Olympic Games na nakatakda simula sa Hulyo 23-Agosto 8 sa Tokyo, Japan. Sa kasalukuyan, pinanghahawakan ng 2018 Jakarta-Palembang Asian Games silver medalist ang Continental Quota (CQ) para sa Asya, habang nakaposisyon ito sa ika-36th spot sa individual Olympic rankings ayon sa website ng International Judo Federation (IJF).
“Nasabi na namin ang posisyon namin kay CDM Araneta (Mariano “Nonong” Araneta) na panghahawakan ni Kiyomi ang CQ entry niya as long na kaya niya. Pero susubukan namin sumali sa mga iba pang tournaments para ma-maintain yung position niya,” saad ni Mrs. Watanabe. “Sinabi ko rin kay sir Nonong last meeting na wala na kaming plano na mag-direct qualifying, basta ready and well-prepare for Olympics at higit sa lahat walang injuries,” ayon sa ina, kung saan nagkaroon dati ng elbow injury ang Waseda University standout na nakuha sa isang torneo sa Grand Prix.
Dahil sa desisyon ng kampo ng All-Japan College University Championship champion, maaaring maapektuhan ang kampanya ng magkapatid na Shugen at Keisei Nakano na naghahabol pa ng puntos upang makapagkwalipika sa quadrennial meet.
Comments