ni Thea Janica Teh | November 24, 2020
Apat na ang pinaghahanap ng mga awtoridad ngayon kaugnay sa pamamaril at pagnanakaw sa isang rider na kinilalang si Niño Luegi Hernando noong Oktubre sa Valenzuela City.
Nag-viral noong Oktubre ang CCTV footage ng pagpatay at pagnanakaw sa motorsiklo at bag ni Hernando ng riding in tandem. Ang tatlong bagong suspek ay isang pulis na nasibak sa trabaho, isang AWOL na pulis at isang babaeng look-out sa krimen.
Kinilala ang dating witness at ngayon ay suspek na rin sa pagnanakaw at pagpatay kay Hernando na si Jo-anne Quijano Cabatuan. Nakilala sa pamamagitan ng CCTV footage ang riding in tandem na sina Rico Reyes alyas “Moja” at Narciso Santiago alyas “Tukmol.”
Ayon sa hepe ng Valenzuela Police na si Police Colonel Fernando Ortega, si Cabatuan umano ang kumausap kay Santiago upang ipaghiganti ang ka-live-in nitong nakulong dahil sa testimonya ni Hernando sa kasong rape.
Siya rin umano ang nagbigay ng impormasyon sa mga galaw ng biktima. Bukod pa rito, kasabwat din ng mga suspek ang dalawang pulis na kinilalang sina Police Corporal Michael Castro at Police Officer 1 Anthony Cubos.
Si Castro ay agad na nag-AWOL matapos malaman na pinaghahanap na ito ng mga awtoridad habang si Cubos naman ay nasibak na sa trabaho noong 2019 pa.
Kinilala rin si Cubos na lider ng grupong sangkot sa pagnanakaw, panghoholdap at gun for hire sa Bulacan.
Naaresto na nitong Biyernes si Castro at umamin na sa krimeng nagawa. Samantala, patuloy pa ring pinaghahanap ang iba pang mga suspek.
Comments