top of page
Search
BULGAR

4 suspek sa Dacera rape-slay, todo-tanggi... "Bakla kaming lahat"

ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 8, 2021



Iginiit ng apat sa 11 na itinuturong suspek sa diumano’y panggagahasa at pagpatay sa flight attendant na si Christine Dacera noong Bagong Taon sa isang hotel sa Makati na walang naganap na foul play sa insidente.


Humarap kahapon sa media sina Rommel Galido, John Pascual dela Serna III, Valentine Rosales at Clark Rapinan kasama ang kanilang abogado na si Mike Santiago upang sagutin ang mga akusasyong pananamantala diumano kay Dacera.


Pahayag ni Rosales, “It’s impossible that we raped her because we[‘re] all gay. There is no straight man in that party.” Ayon sa apat, natural causes ang ikinamatay ni Dacera katulad ng naitala sa medico-legal kung saan makikitang aneurysm ang dahilan nito.


Kuwento ni Rosales, late na siyang dumating sa year-end party at nakita niya si Dacera at iba pang roommates nito sa Room 2209 kasama sina Galido, Dela Serna at Rapinan.


Aniya, “She was holding a wine glass, while the others were already tipsy.” Ayon naman kay Galido na flight attendant din at kaibigan ni Dacera, lumipat sila sa Room 2207 matapos imbitahan ng “common friend” nila upang makipagkilala sa iba pang mga kaibigan nito.


Kuwento rin ni Galido, sinabihan siya ni Dacera na nag-iba ang pakiramdam niya at hinala nito, “Someone put something in my drink.” Ilang oras ang nakalipas, ayon kay Rapinan ay nakita niyang nasa harap ng toilet bowl si Dacera at nagsusuka kaya binigyan niya ito umano ng bath robe.


Bandang alas-8 AM, nakita pa umano ni Rapinan si Dacera na tila sumusuka sa bathtub at sinabihan niya ito na pumunta na sa higaan. Tumanggi umano si Dacera at nanatili lamang sa bathtub.


Nang makita naman ni Galido si Dacera na natutulog sa bathtub, kinumutan niya umano ang kaibigan. Bandang alas-12 ng tanghali, tiningnan muli ni Galido si Dacera at nakita niyang kulay blue na ang labi at mga daliri nito. Agad daw niyang sinuri ang pulso at paghinga nito at nalamang hindi na humihinga si Dacera.


Sinubukan din umanong i-revive nina Rapinan at Gregorio de Guzman si Dacera sa pamamagitan ng cardiopulmonary resuscitation hanggang sa magdesisyon silang humingi na ng tulong sa hotel management na nagbigay sa kanila ng wheelchair.


Naniniwala naman si Valentine Rosales na ang mga pasang nakita kay Dacera ay dahil sa “unsteady position” nito sa wheelchair. Dinala si Dacera sa Makati Medical Center kung saan ito idineklarang patay na. Pahayag ni Dela Serna, “Walang nangyaring foul play kasi mahal na mahal namin si Christine.”


Saad naman ni Rosales, “The last moments of Christine was sa room namin (2209) sa bathtub. For sure, lahat kami inalagaan siya dahil suka na siya nang suka.” Pinabulaanan din ni Rapinan ang akusasyong panggagahasa kay Dacera. Aniya, “Walang may kayang gumawa ng pambababoy kay Christine… Hindi namin kayang gawin iyon sa kanya kasi mahal na mahal namin siya.”


Siniguro naman ng kanilang abogado na makikipag-cooperate ang kanyang mga kliyente sa imbestigasyon. Samantala, nagsampa ng kasong rape and homicide ang Makati City Police laban sa 11 kalalakihan kabilang sina Rapinan, Valentine at Mark Anthony Rosales, Galido, dela Serna, de Guzman at Madrid.


Ngunit kalaunan ay ipinag-utos ng city prosecutor na palayain sina Galido, Dela Serna at John Paul Halili dahil umano sa kakulangan sa ebidensiya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page