ni Eli San Miguel - Trainee @News | March 5, 2024

Nasaktan ang apat na Pinoy sa pagbomba ng water cannon ng China Coast Guard (CCG) sa isang Philippine vessel na nasa resupply mission patungo sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, ayon sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) nitong Martes.
Sabay na binomba ng dalawang barko ng China na CCG 21555 at 21551 ang Unaizah May 4.
"The use of water cannons by the CCG vessels shattered the wind shield of Unaizah May 4, causing minor injuries to at least four personnel on board," sabi ng NTF-WPS sa isang pahayag.
Binigyan ng medical treatment ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga nasaktang tauhan.
Dahil sa pinsalang naidulot ng pagbomba ng water cannon, bumalik sa pangunahing lupa ng Palawan ang Unaizah May 4 sa tulong ng BRP Sindangan.
"The systematic and consistent manner in which the People's Republic of China carries out these illegal and irresponsible actions puts into question the sincerity of its calls for peaceful dialogue and lessening of tensions," sabi ng task force.
Sa ganap na 9:30 ng umaga, ligtas na dumating ang Unaizah May 1 at dumaong kasama ang BRP Sierra Madre upang simulan ang pagre-resupply nito. Matapos makumpleto ang misyon, umalis ito mula sa BRP Sierra Madre sa ganap na 10:45 ng umaga.
Comments